ABS-CBN may dapat ayusin

Sa mga partner na UAAP, NCAA, PVL at MPBL

MANILA, Philippines — Wala pang desisyon ang mga sports leagues na UAAP, NCAA at MPBL tungkol sa kanilang magiging susunod na hakbang habang hindi naman iiwan ng PVL ang ABS-CBN matapos tablahin ng Kongreso ang aplikasyon ng network para sa bagong prangkisa.

Makikipag-usap ang NCAA sa ABS-CBN kung paano maipagpapatuloy ang kanilang partnership sa paparating na Season 96 lalo’t may 5-year deal pa ang liga sa giant media network.

Ang MPBL naman ay nakatakda ring maki-pagpulong kasama ang founder at owner na si Senador Manny Pacquiao. Tahanan na ng MPBL ang ABS-CBN nang magbukas ito noong 2018.

Isa ang MPBL sa natenggang programa ng ABS-CBN at nadaleng sports league sa gitna ng pandemya. Nasa kasagsagan ng Divisional Finals ang MPBL nang pumutok ang COVID-19 pandemic noong Marso.

Bukas din sa ibang options ang UAAP na nasa gitna ng negosasyon para sana sa bagong kontrata sa ABS-CBN na ka-partner na ang UAAP noon pang 2000 simula sa Studio 23 bago ang pagrebrand ng channel sa S&A o Sports and Action.

Kakapaso lang ng kontrata ng UAAP at ABS-CBN noong Mayo 31.

Ayon kay UAAP exe-cutive director Atty. Rebo Saguisag, tatapusin na ng UAAP ang pakikipag-usap sa ABS-CBN at tsaka magdedesisyon kung ano ang hakbang sa kung sino ang susunod nilang TV broadcast partner simula sa Season 83.

Samantala, wala namang iwanan para sa PVL na sinigurong mananatili sila sa Kapamilya network sa gitna ng unos na ito.

Ayon ito kay Sports Vision president Ricky Palou na siyang organizer ng PVL. May kasunduan aniya sila ng ABS-CBN at nakatakdang pag-usapan kung paano maitutuloy ang pagtatambal.

Show comments