Bernaldez gagawa rin ng pangalan

MANILA, Philippines — Kagaya ni ‘Magic’ Mike Plania, determinado rin si Filipino super featherweight Mark ‘Machete’ Bernaldez na gumawa ng ingay sa kanyang pagsabak sa isang eight-round catchweight, non-title fight.

Nakatakdang labanan ni Bernaldez si Albert Bell sa Hulyo 2 sa MGM Grand Conference Center sa Las Vegas, Nevada.

“I’m excited kasi first time kong lalaban sa Las Vegas,” wika ni Bernaldez sa isang panayam sa Powcast Sports. “Always ready naman ako sa anumang laban eh.”

Taglay ng tubong Butuan City, Agusan del Norte ang kanyang impresibong 20-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 knockouts habang bitbit ni Bell ang malinis niyang 16-0-0 (5 KOs) card.

Noong Enero pa nagsasanay si Bernaldez sa United States para paghandaan ang anumang laban na ihaharap sa kanya.

Mas mababa ng tatlong pulgada ang 5-foot-6 na si Bernaldez kumpara sa 5’9 na si Bell. “Nakita ko na rin siyang lu­maban. Sabi ko ang tangkad niya, hindi ko alam na makakalaban ko pala siya,” ani Bernaldez.

Show comments