Phl Women’s volleyball tryouts part 2

MANILA, Philippines — Muling magdaraos ng national tryout para sa women’s volleyball national team ang Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) ngayong Peb-rero matapos magsabi ang ilang manlalaro na ito na ang kanilang huling appearance sa Southeast Asian (SEA) Games.

Hindi naging maganda ang naging resulta pambansang koponan sa pagsabak nila sa nakaraang SEA Games matapos nitong mangulelat sa four-team indoor volleyball event at walang naitala ni-isang panalo.

Ayon kay LVPI board member at national team program head Peter Cayco, ang nasabing tryout ay para aniya punan ang mga manlalaro na kakalas na sa team.

“A couple of players have signified their intentions to beg off from the national team. So siyempre magkakabungi ‘yun, kailangan natin punan ‘yun,” ani Cayco.

Sa pag-alis ng ilang manlalaro sa pambansang koponan, mas pagtutuunan ng pansin ng LVPI ang pagdadagdag ng mga batang players na maari nilang i-develop at tumagal ang serbisyo sa loob ng apat hanggang limang taon.

“Magdadagdag man kami — bata. Kasi wala na tayong continuity na ganyan,” dagdag nito. “Although, siguro, hindi magiging as competitive muna this year. At least ‘pag na-develop mo, that’s good for another four to five years.”

Nakatakda ring bumuo ng Philippine youth team ang LVPI na isasabak nila sa Asian Women’s U19 Volleyball Championships sa China. 

Show comments