Balasahan sa Sta. Lucia Lady Realtors

MANILA, Philippines — Isang buwan bago ang inaasahan na muli nilang pagsalang sa court ng Philippine Superliga (PSL), sumasailalim ngayon ang Sta. Lucia Lady Realtors sa revamping para sa 2020 season ng nasabing liga.

Gaya ng ibang tropa, maraming pagbabago rin ang masasaksihan sa Sta. Lucia matapos nitong ianunsyo sa kanilang Facebook page ang pagbitaw nila sa head coach  na si Babes Castillo, team manager Santi Edralin at 13 manlalaro.

Ang 13 manlalaro na pinakawalan ng Lady Realtors ay sina Jasmine Alcayde, Rica Rivera, Becca Rivera, Micmic Laborte, Souzan Raslan, Jhan Morano, Roselle Baliton, Amanda Villanueva, Jho Maraguinot, Juliet Catindig, Rachel Austero, Joy Dacoron at Eli Soyud.

Nagpasalamat naman ang Sta. Lucia sa lahat ng nakasama nila sa kanilang kampanya sa PSL, mula sa mga managers, trainers, staffs, therapists at siyempre sa mga players.

“There would be no such thing as the future if the past did not pave the way. That said, before we move forward to #thenewSTALUCIA, allow us to offer our sincerest gratitude to these hardworking people who were part of our previous campaigns like #StaLucia2K18, #rebuildtheLAND, and more,” post nito sa kanilang Facebook page.

“To the coaches, ma-nagers, trainers, physical therapists, team staff, and especially the players who represented Team Sta. Lucia with pride and dignity, maraming, maraming salamat! We wish you all the best in your path in this new decade and beyond.”

Hindi pa naglalabas ng bagong roster ang Lady Realtors maging ang papalit kay Castillo bilang head coach ay hindi pa rin pinapangalanan ng tropa.

Taong 2017 ng unang sumabak sa PSL ang Sta. Lucia at mula noon ay hindi pa ito nakalulusot sa semifinals ng torneo at nito lang 2019 ay nasa ikawalong puwesto ang mga ito noong Grand Prix at ikapito naman noong All-Filipino Conference habang sixth place naman sa Invitationals.

Show comments