Ano ba ang FIBA Asia Cup qualifiers?

Hindi kataka-taka na hindi familiar halos lahat sa FIBA Asia Cup qualifiers dahil first time na isasagawa ang home-and-away eliminator na magdedetermina kung sino ang bubuo ng cast sa 2021 FIBA Asia Cup proper.

Dati ay may kanya-kanyang qualifying process ang iba-ibang Asian sub-zones. Kaanib ang Philippines sa SEABA (Southeast Asian Basketball Association) kasama ang Indonesia, Thailand, Malaysia, Singapore, Vietnam, Myanmar, Cambodia, Brunei, Laos at Timor Lester.

Pero kasunod ng introduction ng home-and-away FIBA World Cup qualifier ay ang adoption ng kaparehong format para sa FIBA Asia Cup-- torneo na dominado noon ng Pilipinas bago sumibol ang China at pagkatapos ay ang pagdating ng Australia at New Zealand.

Twenty-four teams ang kasali sa qualifier at sila ay hinati sa anim na grupo na bubuuin ng tag-a-apat na koponan.

Sa drawing of lots na isinagawa sa Beirut noong nakaraang taon, nabunot ang Team Phl na masama sa Thailand, Indonesia at old rival na South Korea.

Kailangan lamang ng Team Phl na tumapos sa Top 2 sa Group A upang automatic na makakuha ng puwesto sa 2021 FIBA Asia Cup proper.

Automatic out ang kulelat sa grupo samantalang ang third placer ay lalaro ng pa-nibagong qualifying tourney kalaban ang iba pang third-placers mula ibang grupo. Idedetermina nila ang huling apat na koponan na uusad sa FIBA Asia Cup proper.

Kung tutuusin, magaan ang grouping ng Pilipinas dahil liyamado tayo sa Thailand at Indonesia. Ang siste ay naka-set na ang first window ng qualifiers sa Peb-rero pero wala pang nainombrang head coach at hindi pa buo ang koponan.

Muli, cramming ang Samahang Basketbol ng Pilipinas, pero hindi rin naman sila masisisi dahil tight ang schedule pagkatapos ng 2019 World Cup, 2019 SEA Games at long Christmas holidays.

Ang importante ay maitawid ang parating na window kung saan haharapin natin ang Thailand at Indonesia.

Ang susunod na window ay sa November at ang ikatlo at panghuli ay sa February next year.

Show comments