Pang 18-sunod ng Bucks

MILWAUKEE -- Sa pangunguna ni Giannis Antetokounmpo, dumiretso ang Bucks sa kanilang pang-18 sunod na arangkada.

Humataw si Antetokounmpo ng 29 points at nagdagdag si Khris Middleton ng 24 markers para banderahan ang Milwaukee sa 125-108 pagpapatumba sa Cleveland Cavaliers para sa kanilang ika-22 panalo sa huling 23 laro tungo sa record 24-3 ngayong season, isa at kalahating laro ang bentahe sa Los Angeles Lakers para sa best record sa liga.

Hindi pa natatalo ang Milwaukee sapul nang mabigo sa Utah noong Nobyembre 8.

Ito ang pinakamahabang ratsada sa kanilang franchise history.

Nagtala ang Bucks ng 20 sunod na panalo noong 1970-71 season patungo sa pagkopo sa nag-iisa nilang NBA championship.

Umiskor naman si Kevin Porter Jr. ng 15 points kasunod ang 13 markers ni Fil-Am Jordan Clarkson sa panig ng Cavaliers (6-20) na nabaon sa 28-point deficit sa third quarter at hindi na nakabangon sa fourth period.

Sa Dallas, sinamantala ng Miami Heat ang pagkakaroon ng ankle injury ni Luca Doncic sa first period para tangayin ang 122-118 overtime win kontra sa Mavericks.

Nagawang makabalik ng Dallas mula sa 24-point deficit para agawin ang bentahe sa huling minuto ng regulation, ngunit tuluyan nang ina-butan ng Miami sa extension para agawin ang panalo.

Ang putback dunk ni Bam Adebayo sa huling 1:15 minuto sa overtime ang sumelyo sa pagtakas ng Heat laban sa Mavericks. Tumapos siya na may 18 points, 11 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikalawang triple-double sa huling tatlong laro ng Miami.

Sa Toronto, nagpasabog si Pascal Siakam ng 30 points habang humakot si Marc Gasol ng mga season highs na 17 points at 15 rebounds para igiya ang Raptors sa 110-102 paggupo sa Brooklyn Nets.

Tinapos ng Toronto ang kanilang three-game losing slump sa kanilang home court.

Show comments