Nakatikim ang Pinas ng swimming gold

CAPAS, Tarlac, Philippines – Matapos ang 10-taon, nakatikim ng swimming gold ang Pilipinas sa Southeast Asian Games.

Ito ay inihatid ni Fil-American James Deiparine na nagtala ng bagong SEA Games record sa men’s 100-meter breaststroke ng swimming competition ng 30th Southeast Asian Games sa New Clark City Aquatics Center.

Bukod sa nag-iisang swimming gold ng Pinas ay may anim na pilak at siyam na tansong medalya pa ang nakuha ng Phl Tankers, malayo sa tatlong silver at apat na bronze medals ng mga Pinoy tankers noong 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Naglista ang 26-anyos na si Deiparine ng bagong markang 1:01.46 para burahin ang kanyang national mark na 1:02.00 noong 2017 edition at ang 2009 SEA Games recordsna 1:01.60 ni Nguyen Huu Viet ng Vietnam.

“I just really appreciate all the support from the Philippines,” sabi ni Deiparine na nabigong makuha ang ikalawa niyang gintong medalya matapos maglista ng 28.32 segundo kumpara sa 28.15 ni Lionel Khoo Chien ng Singapore.

Naka-silver sina Chloe Isleta sa women’s 100m backstroke, Remedy Rule sa women’s 200m butterfly, ang women’s 4x100m freestyle relay team nina Nicole Justine Oliva, Xian-di Chua at Olympian Jasmine Alkhaldi, ang women’s 4x100m medley relay squad nina Isleta, Rule, Alkahaldi at Desirae Mangaoang at ang men’s 4x100m freestyle relay nina Luke Miguel Gebbie, Maurice Sacho Ilustre, Jean Pierre Sameh Khouzam at Jarod Jason Hatch.

Sa kabuuan ay dinomina ng Singapore ang labanan sa nahakot na 23 gold, 10 silver at 4 bronze medals tampok ang apat ni 2016 Olympic Games gold medalist Joseph Schooling.

 

Show comments