Iba ka Yulo!!!
Chris Co (Pang-masa) - December 4, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Hindi maawat si world champion Carlos Yulo matapos pagharian ang kanyang paboritong floor exercise event sa 2019 Southeast Asian Games men’s artistic gymnastics kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Muling inilabas ni Yulo ang kanyang world-class performance na tunay na nagpamangha hindi lamang sa mga hurado maging sa mga kababayan nitong walang sawang sumuporta sa kabila ng bagyong Tisoy.

Umiskor ang 19-anyos Pinoy bet ng impresibong 14.700 puntos para ilampaso sina Tikumporn Surintornta ng Thailand na nagtala ng 13.833 puntos at Zul Bahrin Mat Asri ng Malaysia na may 13.767 puntos na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.

Naglaho ang tangkang seven-gold sweep ni Yulo matapos pumangalawa lamang sa pommel horse at still ring events.

Nagrehistro si Yulo ng 13.233 puntos sapat sa pilak habang napasakamay ni reigning SEA Games champion Tan Fu Jie ng Malaysia ang ginto makaraang maglista  ng 13.967 puntos.

Sa still rings, pumangalawa lamang si Yulo bunsod ng nakuha nitong 13.733 puntos.

Nahablot ni defending champion Dang Nam ng Vietnam ang gintong medalya taglay ang 13.867 puntos.

Nauna nang nasungkit ni Yulo ang gintong medalya sa men’s individual all-around event noong Linggo.

Sasalang pa si Yulo sa parallel bars, horizontal bars at vault ngayong araw.

Sa weightlifting sa Ninoy Aquino Stadium, nagkasya sa silver medals sina Elreen Ann Ando at Margarett Colonia at bronze lamang kay Nestor Colonia.

Bumuhat si Margaret Colonia ng kabuuang 189kg, 82kg sa snatch and 107kg sa clean and jerk sa women’s 59kg event habang si Ando ay nagrehistro ng 213kg--98kg sa snatch at 115kg sa clean and jerk ng women’s 64kg event

Sa Billiards competition, solido ang simula nina Carlo Biado at Johann Chua nang itala ang 9-2 demolisyon kontra kina Malaysians Kok Jken Yung at Muhammad Almie sa Manila Hotel Tent.

Dahil sa bagyong Tisoy, nakansela ang mga laro sa tennis sa Rizal Complex; underwater Hockey sa Bermosa Sports Hub sa Cavite at shooting sa Marine Corps Training Center sa Taguig.

YULO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with