Charlie Calago nagparamdam
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng lakas si Charlie Calago nang itarak nito ang impresibong referee-stopped-contest win upang umabante sa quarterfinals ng men’s bantamweight (52-56 kg.) sa 2019 ASBC Asian Youth Boxing Championships na ginaganap sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Calago nang agad nitong pakawalan ang malulupit na kumbinasyon kay Tohnej Rashmika ng Sri Lanka dahilan upang itigil ng Uzbekistan referee ang laban.
Makakasagupa ni Calago sa quarterfinals si Pricha Malunap ng Thailand na nagtala ng 4-1 split decision win (30-27, 29-28, 29-28, 29-28, 28-29) kay Seong Hun Goh ng South Korea.
Ngunit bahagyang natabunan ng lungkot ang panalo ni Calago matapos mamaalam sa kontensiyon ang apat na Pinoy boxers sa kani-kanyang kategorya.
Lumasap si Mary Sinadjan ng 1-4 split decision loss (25-30, 27-30, 27-30, 27-30, 29-28) kay Saydniso Mukhammadalieva ng Uzbekistan sa women’s flyweight (48-51 kg.) habang natalo si Flint Jara kay Soy Selay ng India via unanimous decision (27-30, 27-30, 27-30, 27-30, 27-30) sa men’s light flyweight (46-49 kg.)
Bigo rin si John Vincent Pangga na umani ng unanimous decision loss (28-29, 27-30, 27-30, 27-30, 27-30) kay Makhmud Sabyrkhan ng Kazakhs-tan sa men’s flyweight (49-52 kg.) gayundin si Norlan Petecio na natalo via walkover kay second seed Thankhui Noppharat ng Thailand sa men’s lightweight (56-60 kg.).
Maliban kay Calago, tanging sina Ailene Kaye Caranagan (women’s bantamweight, 51-54 kg.) at Randy Tanodra (men’s light welterweight, 60-64 kg.) na lamang ang nalalabing pag-asa ng Pilipinas sa torneong nilahukan ng 180 boxers mula mahigit 20 bansa.
- Latest