Benefit concert para kay Gorayeb

May isang buwan na rin nang huling nakita sa volleyball scene si Gorayeb at ito ay sa Philippine Superliga Invitationals.

MANILA, Philippines — Matapos ang matagumpay na jersey auction campaign para sa pamangkin ni national team member Jovelyn Gonzaga ay muli na namang nag­sama-sama ang volleyball community para kay coach Roger Gorayeb.

Magsasagawa ng isang benefit concert night ang mga manlalaro mula sa magkakaibang volleyball leagues para magbigay ng tulong sa multi-titled mentor na kamakailan lamang ay na-diagnose na may multiple myeloma.

Ang multiple myeloma ay isang uri ng blood cancer na may kinalaman sa lymphoma at leukemia na nabubuo dahil sa malignant cells.

Ang nasabing concert na pinamagatang “Volleyball Community Gives Back” ay gaganapin sa Linggo sa alas-4 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Magtatanghal sa nasabing benefit concert sina Sisi Rondina, Kiefer Ravena, Thirdy Ravena, Kalei Mau, Dimdim Pacres, Deanna Wong, Alyssa Valdez, Kara Acevedo, Nicole Tiamzon, Beauty De­nila, Panpan Pantino, Jema Galanza, Ebe Dancel, Quest, Gretchen Ho, Lunar Nights at Anyo.

May isang buwan na rin nang huling nakita sa volleyball scene si Gorayeb at ito ay sa Philippine Superliga (PSL) Invitationals.

Ngunit hindi na niya natapos ang nasabing kum­perensiya dahil na-admit na siya sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.

Si Gorayeb ang nagsilbing mentor ng ilan sa mga national team members at volleyball superstars kagaya nina Alyssa Val­dez, Denden Lazaro, Jaja Santiago, Gretchel Soltones, Jasmine Nabor at Dindin Santiago-Ma­nabat.

Show comments