Win No. 11 asam ng Blue Eagles

MANILA, Philippines — Hindi magpapaawat sina Adrian Wong at Thirdy Ravena para pangunahan ang Ateneo Blue Eagles sa layuning masungkit ang kanilang pang-11 sunod na panalo sa pagharap sa FEU Tamaraws ngayon sa pagpapatuloy ng Season 82 UAAP men’s basketball tournament sa Mall Of Asia Arena sa Pasay City.

Babanggain uli ng Blue Eagles ang Tamaraws sa alas-12:30 ng tanghali at susundan ng engkuwentro ng UP FIghting Maroons at UST Growling Tigers sa alas-4.

Galing ang Ateneo sa 77-69 panalo kontra sa karibal na La Salle noong linggo kung saan namuno si Adrian Wong sa kanyang 18 puntos upang tulungan ang Katipunan-based team na panatilihing walang galos ang kanilang kartada 10-0.

Muling ibabandera ng Blue Eagles sina Thirdy Ravena, Wong, Ange Kouame, Isaac Go, Gian Mamuyac, magkapatid na Matt at Mike Nieto laban kina LJ Gonzales, Royce Alforque, Wendell Comboy, Ken Tuffin at Patrick Tchuenten ng Tamaraws.

Sa kabilang panig, pipilitin naman ng Tamaraws na sundan ang kanilang panalo matapos nilang ilampaso ang UST Growling Tigers, 72-58 na naging dahilan ng kanilang pag-angat sa third spot katabla ang biktimang UST sa 5-5 karta.

Tangan ang 6-3 win-loss record, balak ng Fighting Maroons na samantalahin ang pagkadurog ng Growling Tigers upang manatiling nakakapit sa segunda  sa krusyal na second round ng eliminasyon.

Samantala, puntirya  ng DLSU Green Archers na makabangon agad mula sa kanilang kabiguan kontra Ateneo sa pagharap sa UE Red Warriors na nagtumba sa kanila noong setyembre 14 (88-89) sa alas-10:30 ng umaga. (PJCarpio)

Show comments