Marinero sa Game 1

MANILA, Philippines — Lumapit ng isang hakbang sa makasaysayang tournament sweep ang unbeaten na Marinerong Pilipino matapos daigin ang BRT Sumisip Basilan – St. Clare, 69-59 sa Game 1 ng umaatikabong 2019 PBA D-League Foundation Cup best-of-three finals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Onse sa 12 manlalaro ng Skippers ang nakatulong sa scoring sa pangunguna ng 12 puntos ni Jess Diputado habang nag-ambag din ng kumpletong siyam na markers, limang rebounds, pitong assists at limang steals ang top MVP candidate na si Eloy Poligrates.

Sumuporta sa kanila si William McAloney na may siyam na puntos habang may walong markers, siyam na rebounds at dalawang assists para sa Skippers.

Asam ang Marinero na maging ikatlong koponan pa lang sa kasaysayan ng D-League na nakakumpleto ng conference sweep kasunod ang NLEX na dalawang beses ito nagawa noong 2012 at 2014 Foundation Cup.

Sa kabila nito, hindi naman kuntento si coach Yong Garcia lalo’t muntikan nilang malustay sa second half ang malaking 19-puntos na kalamangan.

“Yun ang naging problema namin before sa quarterfinals at semifinals, lumabas ulit. Dapat pagdating ng Game Two, hindi kami dapat parang roller coaster. Dapat mag-stick kami sa gameplan namin,” ani Garcia matapos ang kanilang 14-point output sa third quarter. “Ang sama ng shots selections namin sa second half. Sana maayos at makadistribute kami sa Game Two.”

Nanguna sa Saints si Jhaps Bautista na may 17 puntos.

Show comments