Orcollo naghahanda na para sa SEA Games

Dennis Orcollo

MANILA, Philippines — Pangungunahan ni dating world champion Dennis Orcollo ang Pinoy squad na tutumbok sa 2019 International 9-Ball Open na gaganapin sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2 sa Norfolk, Virginia sa Amerika.

Makakasama ni Orcollo sina James Aranas, Roland Garcia at Roberto Gomez na pare-parehong beterano na rin sa mga international competitions.

Nais ni Orcollo na sundan ang kanyang kampeo-nato sa 2019 Houston Open noong Setyembre – ang nag-iisang titulo ni Orcollo sa taong ito.

Pinaghahandaan ni Orcollo ang 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 sa Pilipinas.

Hangad ni Orcollo na mabawi ang gintong medalya sa men’s 9-ball singles sa SEA Games na huli nitong nahawakan noong 2015 edisyon sa Singapore.

Sa kabilang banda, maningning si Aranas na may apat na titulo na sa taong ito kabilang ang 2019 Super Billiards Expo Pro Players Championships noong Marso sa Oaks, Pennsylvania kung saan nagkamit ito ng $10,000 papremyo.

Tumataginting na $30,000 ang makakamit ng magkakampeon habang may $22,000 naman ang runner-up at $15,000 sa third placer.

Nagkumpirma na rin ng partisipasyon ang ilang world-class cue masters kabilang na si reigning champion Chang Jung Lin ng Chinese-Taipei, Darren Appleton ng Great Britain, Corey Deuel ng Amerika, Niels Feijen ng Netherlands, Thorsten Hohmann ng Germany, Eklent Kaci ng Albania, Mika Immonen ng Finland, Ralf Souquet ng Germany at Earl Strickland ng Amerika.

Show comments