Wright idinagdag ni coach Yeng

Matthew Wright

MANILA, Philippines – Nagdagdag ulit ng puwersa ang Gilas Pilipinas upang mapalakas ang koponan papalapit sa inaaba-ngang kampanya nito sa 2019 FIBA World Cup sa China ngayong Agosto.

Ito ay walang iba kundi ang gunner na si Matthew Wright na nagbabalik sa koponan matapos hindi makasali sa nakaraang kampanya ng Gilas.

Si Wright ang pinakabagong mukha na idinagdag ni head coach Yeng Guiao sa Philippine National team sa pagpapatuloy ng ensayo nila kamakalawa ng gabi sa Meralco Gym.

Sinamahan ni Wright ang iba pang dumalong manlalaro na sina June Mar Fajardo, Gabe Norwood, Japeth Aguilar, Raymond Almazan, Troy Rosario, Kie-fer Ravena, Paul Lee, Marcio Lassiter, CJ Perez gayundin si Stanley Pringle na bagama’t ineligible bilang local player ay tumutulong pa rin sa koponan.

Pansamantala namang hindi nakadalo sa pagsasanay ang iba pang miyembro ng Gilas training pool na sina JP Erram, RR Pogoy, Mark Barroca at Robert Bolick habang sa unang pagkakataon din ay nakipag-ensayo na si Beau Belga bilang dagdag na practice player din sa koponan.

Magugunitang noong nakaraang linggo ay idinagdag na ni Guiao sa pool ang dalawang rookies na sina Bolick at Perez upang maging pormal na bahagi ng kanyang original training pool matapos ngang umatras sina Scottie Thompson at veteran Jayson Castro.

Ito ang pagbabalik ng Fil-Canadian shooter na si Wright matapos matanggal sa koponan sa huling window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers na naging daan ng Gilas patungo sa naturang World Cup.

Hindi na bago si Wright sa Gilas lalo’t bahagi ito ng koponan na sumalang sa mga nakaraang World Cup Asian Qualifiers at iba pang FIBA-sanctioned international tournaments simula nang pumasok sa PBA noong 2016.

Inaasahang magiging malaking tulong si Wright sa koponan lalo’t nagpapasiklab ito ngayon sa idinaraos na 2019 PBA Commissioner’s Cup sa likod ng inirehistrong average na  21.4 puntos,. 3. 6 rebounds, 5. 1 assists at 1. 9 steals para sa Fuel Masters na may 4-4 kartada.

Sa ngayon, tanging si naturalized player na si Andray Blatche nalang ang hinihintay ng Gilas na inaasahang darating sa Hulyo 12 o 13, higit isang buwan pa bago ang World Cup Championships na nakatakda sa China mula Agosto 31 hanggang Setyembre 15.

Ka-grupo ng Gilas sa Pool D ang Serbia, Italy at Angola.

Magiging bahagi rin ng ensayo ng Gilas ang pocket tournament sa Spain mula Agosto 4-11 kung saan makakalaban nila ang Spanish national team, Congo at Cote Di’Ivoire.

Show comments