NorthPort lusot sa NLEX

Iniwasan ni Raul Soyud ng NLEX ang tangkang pag­supalpal sa kanya ni NorthPort import Prince Ibeh sa first half ng kanilang laro.
PBA Images

MANILA, Philippines — Hindi si import Prince Ibeh ang nagdala sa mga Ba­tang Pier sa panalo.

Nagsalpak si veteran forward Sean Anthony ng isang putback at dalawang free throws sa dulo ng final canto para itakas ang NorthPort kontra sa NLEX, 83-79, sa 2019 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Tumapos ang 6-foot-3 na si Anthony na may 17 points at 6 rebounds para sa ikalawang sunod na ratsada ng Batang Pier para saluhan ang Blackwater Elite sa liderato.

Humakot naman si Ibeh ng 19 rebounds, 15 mar­kers at 2 assists, habang may 18, 14 at 10 points sina rookie Robert Bolick, Moala Tautuaa at Paolo Taha, ayon sa pagkakasunod.

Naglaro ang Road Warriors na wala si balik-import Tony Mitchell, hindi naayos ang mga papeles.

“Mahirap din talaga talunin. It’s all about breaks of the game,” pahayag ni NorthPort coach Pido Ja­rencio sa NLEX ni mentor Yeng Guiao. “But I’ll take it. A win is a win.”

Bagama’t walang import ay naitayo ng Road War­riors ang 43-35 bentahe sa halftime hanggang maabutan sila ng Batang Pier at agawin ang 78-74 abante mula sa three-point shot ni guard Nico Elorde sa huling 1:20 minuto ng fourth period.

Ang dalawang free throws ni guard Kenneth Ig­halo ang nagtabla sa NLEX sa 79-79 sa natitirang 31.8 segundo.

Kasunod nito ang putback at free throws ni Anthony para sa NorthPort.

Show comments