‘Di na patatagalin ng San Miguel

Rafi Reavis ng Rain Or Shine laban kay Norbert Torres ng Magnolia.
Jun Mendoza

Phoenix hihirit pa

MANILA, Philippines — Sa Game Four noong Martes ay walong technical fouls ang itinawag na kinatampukan din ng pagpapatalsik kina Alex Mallari at Jaypee Mendoza ng Phoenix.

Inaasahang mas magiging pisikal pa ang bakbakan ng nagdedepensang San Miguel Beermen at Fuel Masters sa Game Five ng kanilang semifinals series ngayong alas-7 ng gabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Hawak ang 3-1 bentahe, determinado ang San Miguel na tuluyan nang tapusin ang kanilang best-of-seven semis showdown ng Phoenix, nailusot ang 92-90 panalo sa Game Three.

Ayon kay coach Leo Austria, handa ang kanyang mga Beermen na makipagbanggaan sa mga Fuel Masters ni mentor Louie Alas para umabante sa kanilang ika-41 finals appearance at hangad ang pang-26 korona.

“I have instructed the players, ‘You have to fight back.’ Not (exactly) to fight back, but to compete with them,” wika ni Austria.

“So whatever they throw at us, physically, mentally, we are ready.”

Pinatumba ng San Miguel ang Phoenix sa Game Four, 114-91, noong Martes kung saan muntik nang magrambulan sina Mallari at Matt Ganuelas-Rosser sa second period.

Sa 18 pagkakataon na hinawakan ng Beermen ang 3-1 bentahe sa serye ay 17 beses nila itong napagwagian kung saan ang 12 dito ay tinapos nila sa Game Five.

At posibleng mangyari ito sa Fuel Masters, may 0-4 record sa mga ‘do-or-die’ games sapul nang sumali sa PBA noong 2016.

Show comments