Kulelat na teams gustong umahon

MANILA, Philippines — Makaahon mula sa kumunoy ang hangarin ng mga kulelat na koponan ngayon sa pagbabalik-aksiyon ng 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Unang susubok ang Batangas-Emilio Aguinaldo College (1-5) at Family Mart-Enderun College (0-5) sa ala-una ng hapon sa hangarin nilang makaangat mula sa ibaba ng Aspirants’ Group.

Susunod naman ang parehong wala pang panalo sa Foundation Group na SMDC-National University (0-5) at DC14 Designs-Trinity (0-5) sa alas-3 ng hapon.

Pare-parehong malabo na ang tsansa ng apat na koponan na makasabit sa playoffs kaya’t siguradong bakbakan sila upang manatiling buhay ang kampanya sa 20-team tournament ng prestihiyosong semi-pro league sa bansa.

Magugunitang noong nakaraang linggo bago pumasok sa Holy Week break ay nakalasap ng masaklap na 119-122 overtime na kabiguan ang Ge-nerals sa kamay ng AMA Online Education Titans na lalong nagpalabo sa kanilang playoff chance hawak na ngayon ang 1-5 kartada.

Gayundin ang kaso ng Family Mart na kinapos kontra sa McDavid, 68-73 dalawang linggo na ang nakalilipas upang manatiling walang panalo sa limang salang.

Desperado ring sasalang sa duwelo ang Trini-ty na ibinaon ng wala pang talong Centro Escolar University, 69-93 sa kabila ng pagpapasiklab ng bagong manlalaro na si John Tayontong.

Galing naman sa dikit na 86-94 kabiguan ang SMDC-NU kontra sa Metropac-San Beda noong nakaraang Lunes din kung saan nasayang ang 30 puntos ni Dave Ildefonso.

Ang mananalo sa dalawang krusyal na laban ay mabubuhay pa ang tsansang makapasok sa top four ng kani-kanilang grupo habang ang matatalo ay magpapaalam na sa kanilang mga kampanya sa D-League papasok sa dulong bahagi ng elimination round.

Show comments