SMB lalapit sa sweep sa Phoenix

Ang agawan sa rebound nina June Mar Fajardo ng San Miguel at Jason Perkins ng Phoenix sa Game Two.
PBA Images

MANILA, Philippines — Inaasahan ni coach Leo Austria ng nagdedepensang San Miguel na mas magiging determinado ang Phoenix na manalo para makaiwas na malubog sa 0-3 sa kanilang semifinals series.

“They know that to be down 0-3, it would be very hard to come back. We should be really focused for our next game,” wika ni Austria.

Pipilitin ng Beermen na maiposte ang mala­king 3-0 bentahe sa pagsa­gupa sa Fuel Masters sa Game Three ngayong alas-6:30 ng gabi sa 2019 PBA Phi­lippine Cup sa Smart Ara­neta Coliseum.

Matapos kunin ang Game One, 100-88, ay isi­nunod ng San Miguel ang Game Two, 92-82, pa­ra sa 2-0 abante sa ka­nilang best-of-seven se­­mifinals showdown ng Phoenix.

“Against a great team like SMB, you need to play great, consistent,” ani mentor Louie Alas.

Tanging ang Beermen pa lamang ni Austria ang koponang nakabangon mula sa 0-3 sa title series para resbakan ang Alaska Aces at angkinin ang korona ng Philippine Cup no­ong 2016.

Ayon kay one-time PBA MVP Arwind Santos, hindi nila papayagang mangyari ito sa ka­nila.

“Ayaw naming mangyari sa amin iyon. Iyon ang lesson learned,” wika ng San Miguel forward sa serye nila ng Phoenix.

Sa unang dalawang la­ro ay naging agresibo sa kanilang depensa ang Fuel Masters kung saan nila pinisikal ang mga Beer­men stars na sina five-time PBA MVP June Mar Fajardo, Marcio Las­siter, Alex Cabagnot, Terrence Romeo, Chris Ross at Christian Standhardinger.

Nilimitahan ng Phoenix ang 6-foot-10 na si Fajardo sa 9 points at 9 rebounds sa Game One ba­go humakot ng 19 mar­­kers at 18 boards sa Game Two.

Naglista naman sina Lassiter at Cabagnot ng average na 19 points at 17 points, ayon sa pagka­kasunod, para sa San Mi­guel.

Mulig sasandigan ng Fuel Masters sina Calvin Abueva, nagposte ng mga averages na 17 points, 15.5 rebounds at 6.0 assists, Matthew Wright, Jason Perkins, RJ Ja­zul, Justin Chua at Alex Mallari.

Inaabangan din ang muling bakbakan nina Abueva at Standhardi­nger sa shaded lane.

Sa Game Two ay na­pa­tawan si Standhardi­nger ng multang P20,000 dahil sa pagsipa sa maselang bahagi ng katawan ni Abueva.

Si Abueva ay pinagmulta naman ng P15,000 mula sa ipinakita niyang dirty finger sa camera.

 

Show comments