Ginebra nagpalakas

Lusot si Japeth Anguilar ng Ginebra kina ASi Taulava at JR Quiñahan ng NLEX.
PBA Image

MANILA, Philippines — Lalong pinalakas ng Barangay Ginebra ang tsansa nito sa twice-to-beat advantage sa playoffs matapos ang dikit na 105-96 pag-eskapo nito kontra NLEX sa umiinit na 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup kagabi sa AUF Sports Arena and Cultural Center sa Angeles, Pampanga.

Bunsod ng panalong ito, umangat sa 6-3 ang baraha ng Gin Kings upang makalapit sa segundang Rain or Shine (8-3) at Talk ‘N Text (7-3) para sa ikalawang puwesto at huling twice-to-beat incentives sa All Filipino conference playoffs.

Upang maisakatuparan ito, kailangan munang maipanalo ng Gin Kings ang huling dalawang laban nito kontra sa Northport at Meralco upang makapuwersa ng three-way tie kasama ang Elasto Painters at KaTropa para sa 8-3 kartada kung saan sila ang makakasiguro sa twice-to-beat incentives bunsod ng superior quotient.

Nanguna para sa crowd darling na Ginebra si 6’9 big man na si Japeth Aguilar na kumamada ng 27 puntos, siyam na rebounds, isang steal at isang supalpal.

Nagdagdag din ng 17 puntos, tatlong rebounds at apat na assists ang bagong ‘Iron Man’ na si LA Tenorio habang may tig-14 puntos sina Greg Slaughter, Scottie Thompson at Kevin Ferrer para sa Gin Kings.

Sa kabilang banda, lalong dumilim ang tsansa ng Road Warriors na makapasok sa playoffs bunsod ng krusyal na pagkatalo na ito.

Laglag sa 4-6 ang kar-tada ng NLEX katabla ang Columbian para sa ika-siyam na puwesto sa team standings.

Nasayang ang 16 puntos, walong rebouds, dalawang steals at tatlong supalpal ni John Paul Erram para sa Road Warriors na napatid ang tatlong sunod na tagumpay.

Sa ngayon, kaila-ngang maipanalo ng NLEX ang huling laban nito kontra Magnolia sa Abril 3 at humiling sa mga kabiguan ng karibal na koponan upang makasiguro ng puwesto sa quarterfinals ng All Filipino conference.

 

Show comments