NorthPort tukod na naman

Walang tigil ang mga masaklap na pagkatalo ng NorthPort mula nang matapon ang mukhang won ball game nilang laban kontra sa Meralco noong March 8.

Kasunod nito ang pagtatapon din nila ng mga ma-laking kalamangan at ang tuluyang pagkatalo sa San Miguel Beer (107-113) at Magnolia (90-103).

Kagaya ng mga una pa nilang talo, hindi maka-execute ang mga Batang Pier sa fourth quarter kaya’t nasasayang ang kanilang mga pinagpaguran sa mga unang sultada ng laban.

Eksplosibo sila sa pagpapasabog ng 59 points sa first half kontra sa Magnolia, pero nanlata at nagdagdag  lamang ng 31 sa second half kaya muling nadapa ang NorthPort at sumadsad na sa mas delikadong katayuan tangan ang 2-6 win-loss card.

Puwersado na silang ipanalo ang tatlong natitirang laro kontra sa TNT KaTropa, Alaska at Ginebra upang magka-pag-asa pang makatuntong sa playoffs.

“Tukod lagi sa endgame ‘yan kasi predictable sila kung kanino pupunta dahil mababaw ang bench ni coach Pido (Jarencio),” basa ni kasanggang Kandong Pabaya, isa sa mga pambato ng Paso de Blas/Mapulang Lupa team sa kasalukuyang Astromen super senior league sa Valenzuela.

Predictable naman talaga na sina Stanley Pringle, Moala Tautuaa at Sean Anthony ang nagbibitbit sa Batang Pier na may konting tulong mula kina Robert Bolick, Jonathan Grey at Nico Elorde.

Tumitikada si Pringle ng 21.1 points, 6.0 rebounds at 4.9 assists per game, kumakana si Tautuaa ng averages na 19.7 points, 9.6 rebounds and 3.5 assists samantalang may norms si Anthony na 21.4 points, 8.5 rebounds at 3.9 assists. Pero mangilan-ngilan lamang ang contribution ng NorthPort bench.

Matibay ang kanilang starting unit pero ang second group ay hindi nakakatapat sa second group ng mga kalabang koponan.

Show comments