Lumapas-3 pa PSA Tony Siddayao Awardee

MANILA, Philippines — Pamumunuan ni trackster Jessel Lumapas ang listahan para sa mga Tony Siddayao awardees na hihirangin ng SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Pebrero 26.

Si Lumapas, isang standout ng Nazareth School of National University ay sasamahan nina swimmers Micaela Jasmine Mojdeh at Marc Bryan Dula at figure skater Czerrine Ramos sa pagtanggap ng tropeo na ibi-nibigay ng sportswriting community sa mga promi-sing athletes na may edad 17-anyos pababa.

Inihahandog ng Milo, Cignal TV at ng Philippine Sports Commission (PSC), ang special event ay gagawin sa Centennial Hall imbes na sa naunang inihayag na Maynila Ballroom sa makasaysayang Manila Hotel.

Ipinangalan sa namayapang veteran sports editor ng Manila Standard na si Tony Siddayao, ikinukunsidera bilang Dean of Philippine sportswriting, ang ilan sa mga naunang tumanggap ng Siddayao awards na gumawa ng pangalan sa kanilang mga events ay sina Wesley So (chess), Kiefer Ravena at Jeron Teng (basketball), Doti Ardina (golf), Eumir Marcial (boxing), Rustom Lim (cycling), Malvinne at Markie Alcala (badminton) at iba pa.

Nasa ibabaw ng 2018 list ang 17-anyos na si Lumapas, hinirang na most outstanding athlete sa nakaraang Palarong Pambansa matapos magtakbo ng apat na gold medals sa track and field.

Pambato ng Damariñas, Cavite, pinamunuan ni Lumapas ang kampanya ng bansa sa ASEAN School Games sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan siya nag-ambag ng dalawa sa kabuuang anim na gintong medalya ng Team Philippines.

Ang apat na tatanggap ng Siddayao awards ay bahagi ng kabuuang 75 honorees na kikilalanin ng PSA sa event na suportado din ng Chooks To Go, NorthPort, Rain or Shine, Tapa King, SM Prime Holdings, ICTSI, Mighty Sports at ng Philippine Basketball Association.

Nangunguna sa honor roll sina weighlifter Hidilyn Diaz, golfers Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go at skateboarder Margielyn Didal na hinirang na co-winner ng PSA Athlete of the Year award.

Show comments