Araw naman ni Morales

Ronda Pilipinas Stage 3

ROXAS CITY, Philippines — Umeskapo sa huling bahagi ng karera ang dating kampeon na si Jan Paul Morales upang angkinin ang 179.4-kilometrong Iloilo City – Roxas City na Stage Three ng 2019 LBC – Ronda Pilipinas kahapon dito.

Kapitan ng reigning champion na Philippine Navy-Standard Insurance, tumakas mula sa 20-man peloton si Morales sa huling 500 metro upang tapusin ang Stage Three sa apat na oras, 35 minuto at 18 segundo.

Gahibla lamang ang agwat niya sa bunch finishers na kinabibilangan din nina Dominic Perez (4:35:18) ng 7/11 Cliqq-Air21 Roadbike Philippines at Projo Waseso (4:35:18) ng Korail Cycling Team mula sa Korea na pumangalawa at pumangatlo, ayon sa pagkakasunod, mula sa 75-man Ronda field.

Hindi naman naging madali ang tagumpay ni Morales dahil kinailangan niya at ng naiiwang chase group na burahin ang higit anim na minutong lamang ng breakaway group simula pa lang ng 20-km race mula sa Iloilo City.

Binubuo nina Ronald Lomotos ng Navy, Ryan Tugawin ng Franzia gayundin nina George Oconer at Jonel Carcueva ng Go For Gold, kumawala agad ang breakaway group bago abutan nina Morales at ng chase group upang makabuo ng malaking peloton sa huling 15 kilometro papasok sa Roxas City.

Dikdikan ang naging laban doon hanggang sa makaalpas si Morales para sa kanyang unang stage win ngayong Ronda 2019 na nasa ilalim na ng International Cycling Union (UCI).

“Masaya kasi first time kong mag-lap winner sa UCI event,” ani Morales na naghari sa Ronda noong 2016 at 2017 bilang kauna-unahang back-to-back champion.

Sa kabila naman ng panalo, tengga pa rin sa ikaapat na puwesto ng Overall Individual Classification category si Morales na may kabuuang oras na 12:27:21 matapos ang tatlong stages.

Kahit bahagi lang ng 20-man group finishers, solo pa rin sa tuktok ng overall race si Francisco Mancebo Perez ng Team Matrix Powertage ng Japan sa overall time na 12:22:46 bunsod ng halos four-minute winning margin niya sa mahabang 197.6-km Iloilo-Iloilo Stage One.

Show comments