Bolick may pinatunayan

MANILA, Philippines — Hindi lang pang-National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Iyan ang pinatunayan ng rookie na si Robert Bolick sa kanyang mga haters at bashers matapos magliyab sa kanyang Philippine Basketball Association (PBA) debut para sa koponan na Northport Batang Pier.

Napili bilang third overall pick sa 2018 PBA Annual Rookie Draft noong nakaraang buwan, kumamada ang produktok ng San Beda University ng game-high na 26 puntos sa 10-of-12 shooting sahog pa ang tatlong rebounds at tatlong assists upang bitbitin ang Northport sa 117-91 tagumpay kontra sa Blackwater sa 2019 PBA Philippine Cup kamakalawa ng gabi.

Ito na ang pinakamataas ng puntos ng sinumang rookie sa kanyang debut sa loob ng siyam na taon sa PBA buhat nang umiskor ng 29 puntos si Sol Mercado para sa Rain or Shine noong 2009 All Filipino Conference.

Subalit para kay Bolick, hindi aniya ito sagot sa mga nagdududa sa kanya kundi siyang sukli niya lang aniya sa tiwala ng kanyang mga kakampi sa Batang Pier.

“Napaka-swerte ko sa team, sobrang bait nila. ‘Di na ako gaano nag-adjust, ‘di na ganun kalaki ‘yung adjustment na ginagawa ko,” anang three-time NCAA champion na si Bolick. “Pinoprotektahan ko lang naman ‘yung family ko, ‘yung Northport. Ayaw ko naman magpatalo.”

Bilib naman si coach Pido Jarencio sa pinaka-bagong manlalaro. “Iba yung bata. Magaling. Made na made ‘yung bata para sa PBA. He’s a winner eh. And he’s very coachable. Suwerte kami,” aniya.

Gaano man kaganda ang kanyang debut game, alam ng 23-anyos na si Bolick, tubong Ormoc, Leyte na marami pa siyang kakaining bigas.

Show comments