Manuel at Erram paparangalan ng PBAPC

John Paul Erram, Vic Manuel

MANILA, Philippines — Pagsasaluhan ng dalawang sumisikat na big man ng PBA ang limelight sa pagdaraos ng PBA Press Corps ng 25th anniversary celebration ng kanilang Annual Awards Night.

Sina John Paul Erram at Vic Manuel ang tatanggap sa dalawang traditional awards mula sa mga reporters na nagkokober ng PBA beat sa Enero 21 sa Novotel Manila Araneta Center.

Ang 6-foot-8 na si Erram ang hinirang na Defensive Player of the Year, habang si Manuel, tinaguriang ‘Muscleman,’ ang Mr. Quality Minutes sa okasyon na inihahandog ng Cignal TV.

Si Erram, miyembro ng Mythical 2nd team sa unang pagkakataon sa kanyang career, ang leading shot blocker sa nakaraang season sa kanyang average na 1.9 per game habang naglalaro para sa Blackwater.

Suot ang uniporme ng NLEX, nanguna si Erram sa naturang departamento sa pagiging No. 1 sa locals sa nakaraang 2018 Philippine Cup at Commissioner’s Cup at No. 3 sa Governors’ Cup.

Tubong Licab, Nueva Ecija, nagtala naman ang 6-foot-4 na si Manuel ng mga averages na 16.0 points at 4.8 rebounds bilang kamador ng Alaska matapos mai-trade si star player Calvin Abueva.

Makakasama nina Erram at Manuel sa honor roll list ang kauna-una-hang PBA D-League Finals MVP awardees ng 2018 season.

Si Top rookie pick CJ Perez ng Zarks-LPU Jawbreakers ang nagwagi sa Aspirant’s Cup habang ang Foundation Cup ay ibibigay kay Go For Gold guard Gab Banal.

Ang iba pang awardees ay sina Stanley Pringle (Scoring Champion), Chris Tiu (Breakout Player of the Season), Barangay Ginebra-Rain or Shine triple overtime thriller (Game of the Season), Order of Merit (June Mar Fajardo, Paul Lee, Vic Manuel), the All-Rookie team (Jason Perkins, Christian Standhardinger, Paul Zamar, Robbie Herndon, Jeron Teng) at ang All-Interview team (Christian Standhardinger, Chris Tiu, Chris Ross, Mike Digregorio, Joe Devance, Yeng Guiao).

Papangalanan naman ang mananalo ng Virgilio “Baby’ Dalupan Coach of the Year, Danny Floro Executive of the Year, President’s Award at ang kauna-unahang Lifetime Achievement Award.

Show comments