Pinay boxers laglag

MANILA, Philippines — Tuluyan nang nalagas ang pambato ng Pilipinas matapos yumuko ang dalawa pang natitirang miyembro ng national boxing team sa prestihiyosong 2018 AIBA Women’s World Boxing Championships na ginaganap sa KD Jadhav Indoor Stadium sa New Delhi, India.

Bigong umusad sina dating world champion Josie Gabuco (light flyweight 45-48 kgs.) at Aira Villegas (bantamweight 54 kgs) na natalo sa kani-kanyang beteranong karibal.

Umani si Gabuco ng 1-4 decision loss laban kay Wu Yu ng China (29-28, 28-29, 28-29, 27-30, 27-30) habang nagtamo si Villegas ng 2-3 split decision loss kay Peamwilai Laopeam ng Thailand (29-28, 29-28, 28-29, 28-29, 28-29) sa event na nilahukan ng 66 bansa.

Una nang namaalam sa kontensiyon sina dating World Championships silver medalist Nesthy Petecio (featherweight 57 kgs.), Irish Magno (flyweight 51 kgs) at Carolyn Calungsod (lightweight 60 kgs).

Show comments