Phoenix lumapit sa quarterfinals

Si Calvin Abueva ng Phoenix laban kina Rain Or Shine import Terrence Watson at Mark Borboran.
PBA Image

MANILA, Philippines — Binura ng Phoenix ang 10 puntos na kalamangan ng Rain or Shine tungo sa dikit na 103-97 tagumpay upang makalapit sa quarterfinals ng umiinit na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup.

Naghahabol sa 74-84 papasok sa huling kanto, nagpakawala ng mabigat na 17-6 ratsada ang Fuel Masters na tinuldukan ng tres ni RJ Jazul para maagaw ang kalamangan, 91-90 higit apat na minuto pa ang natitirang oras sa laban.

 Naging dikdikan ang laban buhat doon bago tuluyang ibaon ni LA Revilla ang Elasto Painters sa isa pa niyang tres para sa 98-93 abante, 1:16 minuto na lamang sa orasan.

Hindi na bumitaw pa sa manibela ang Phoenix buhat noon tungo sa malaking comeback win para umangat sa 7-3 ang baraha upang masolo ang ikaapat na puwesto at mapapatag ang tsansa nila sa isa sa twice-to-beat incentives papasok sa quarterfinals.

Kumayod ng muntikang triple double na 18 puntos, 20 rebounds at pitong assists sahog pa ang limang tapal si Eugene Phelps upang giyahan ang Phoenix.

Limang Fuel Masters pa ang nagtala ng double digits sa pangunguna nina Calvin Abueva at Matthew Wright na may 18 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Ito na ang ikatlong sunod na kabiguan ng Rain or Shine na lalong lumabo ang tsansang makapasok sa playoffs ng season-ending conference.

Phoenix 103 - Abueva 18, Phelps 18, Wright 17, Revilla 13, Chua 12, Perkins 10, Jazul 7, Intal 3, Wilson 3, Kramer 2, Alolino 0.

Rain or Shine 97 - Tiu 24, Yap 14, Ponferada 11, Ahanmisi 10, Borboran 9, Nambatac 8, Morwood 7, Washington 6, Watson 4, Daquioag 2, Maiquez 2, Torres 0.

Quarters: 27-21, 50-55, 74-84, 103-97.

Show comments