Magandang panimula ng Golden State

Si Stephen Curry ng Golden State laban kay Jerami Grant ng Oklahoma.

OAKLAND, Calif - Isang panalo ang kaagad kinuha ng nagdedepensang Golden State Warriors sa pagsisimula ng NBA season matapos talunin ang Oklahoma City Thunder, 108-100.

Nalampasan ng Warriors ang determinadong paghahabol ng Thunder, naglaro nang wala si injured star guard Russell Westbrook.

Umiskor si Stephen Curry ng 32 points mula sa 11-of-20 fieldgoal shooting, samantalang nagdagdag si Kevin Durant ng 27 markers buhat sa kanyang 9-for-21 clip para pangunahan ang Golden State.

Binanderahan ni Paul George ang Oklahoma City mula sa kanyang 27 points kasunod ang 21 markers ni guard Dennis Schroder.

Sa Boston, nagtala si guard Jayson Tatum ng 23 points at 9 rebounds para pamunuan ang 105-87 paggupo ng Celtics sa Philadelphia 76ers.

Kumolekta si forward Marcus Morris ng 16 points at 10 rebounds para sa pang-15 panalo ng Boston sa kanilang 17 regular-season meetings ng Philadelphia.

Sinibak ng Celtics ang 76ers, 4-1 sa kanilang second-round playoff series sa nakaraang season.

Nag-ambag si Jaylen Brown ng 12 points habang may 11 markers at 8 boards si Terry Rozier para sa Boston, nakahugot kay Gordon Hayward ng 10 points mula sa malamyang 4-of-12 fieldgoal shooting para sa una niyang regular-season game matapos ang left ankle injury sa nakaraang season opener kontra sa Cleveland Cavaliers.

“It (the injury) was a major part of my life at this point in time, so I just tried to get that out of my head as soon as I started playing. And once you’re out there on the court, some of that disappears,” sabi ni Hayward.

Nagdagdag naman si Kyrie Irving, hindi nakalaro noong 2018 postseason bunga ng knee injury, ng 7 points para sa Cel-tics, tumipa ng 11-of-37 shooting sa 3-point range.

Binanderahan ni center Joel Embiid ang Philadelphia mula sa kanyang 23 points at 10 rebounds habang nagtala si Ben Simmons ng 19 points, 15 rebounds, 8 assists at 4 steals.

Si guard JJ Redick ay umiskor ng 16 points mula sa bench.

Show comments