Forest Cover nakatiyempo

Naungusan ng kabayong Forest Cover (#5) ang Mona’s Mark (#8) ng ulo lamang sa 2nd leg ng Philippine Racing Commission (Philracom) Juvenile Fillies and Colts Stakes Race sa Saddle and Leisure Park sa Naic, Cavite noong Linggo at third placer naman ang Electrify (#1).

MANILA, Philippines — Humanap ng tiyempo ang Forest Cover hanggang sa huling 300 metro bago ungusan ang Mona’s Mark at Electrify at manalo sa 2nd leg ng Philippine Racing Commission (Philracom) Juvenile Fillies and Colts Stakes Race sa Saddle and Leisure Park sa Naic, Cavite noong Linggo.

Walang itulak-kabigin sa hanay ng Forest Co-ver, Mona’s Mark at Electrify palapit sa finish line, ngunit naagaw ng kabayo ni horse owner Aristeo G. Puyat ang unahan para pamahalaan ang nasabing 1,300-meter race.

“Kinuha muna namin kung saan siya (Forest Cover) kampanteng puwesto, bago kami nagbakbakan noong rekta,” sabi ni winning jockey O’Neal Cortez sa post-race interview.

“Noong nadikitan naman kami ng Mona’s Mark, nag-respond na ‘yung kabayo ko,” dagdag pa ni Cortez, gumabay sa nanalong Victorious Colt sa huling leg ng Philracom Triple Crown Series noong Hulyo.

Itinakbo ng Forest Cover ang premyong P600,000 para kay Puyat habang tumanggap si CM Vicente ng Breeder’s Purse na P30,000.

Nakuntento naman ang Mona’s Mark sa runner-up purse na P225,000 kasunod ang Electrify at Barayong na nagbulsa ng P125,000 at P50,000, ayon sa pagkakasunod bilang third at fourth-placers.

Nauna rito, dinomina ng Caloocan Girl sakay si rider Ryan Garcia ang labanan sa KDJM Juvenile Fillies Stakes Race.

Inangkin ng Caloocan Girl ang premyong P300,000 para sa pinakamalaking panalo ni Garcia sa kanyang bagitong career.

Ang iba pang nanalo sa 12-race sa Philippine Racing Club Inc. noong Linggo ay ang Cojuangco Cup champion Hitting Spree (Race 1), Summer Cruise (Race 2), Ace Up (Race 4), Kingship (Race 5), Shadow Of The Sun (Race 7), Pride Of Laguna (Race 8), Lakambini Stakes winner Disyembreasais (Race 9), Silver Glow (Race 10), Shoo In (Race 11) at Minotaur (Race 12).

Show comments