Lady Eagles wagi rin sa PVL

MANILA, Philippines — Muling nanggulat ang Ateneo de Manila University nang pataubin nito ang Petro Gazz sa bisa ng gitgitang 25-21, 17-25, 19-25, 25-14, 15-8 desisyon upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Matayog ang lipad ni middle blocker Maddie Madayag makaraang magpako  ng 16 puntos mula sa 13 attacks at tatlong blocks para manduhan ang Lady Eagles sa pagsungkit ng ikalawang sunod na panalo.

“We fought really hard. We really trusted each other, we trusted coach Oliver’s (Almadro) system. During the second and third sets, we kind of lost the system, we were out of our place. At least we came back to where we were supposed to be and followed the system,” pahayag ni Madayag.

Una nang ginulantang ng Ateneo ang three-time PVL champion na Pocari-Air Force sa kanilang unang asignatura.

Bumagsak ang Gazz Angels sa 3-3 marka.

Mula sa tatlong puntos na kalamangan sa fourth set, inilabas ng Lady Eagles ang bangis nito nang maglatag sina Madayag, opposite hitter Kat Tolentino at team captain Bea De Leon ng matatalim na atake na sinabayan pa ng solidong net defense para itarak ang 10-2 run at maipuwersa ang deciding fifth frame.

Naipagpatuloy ng Lady Eagles ang momentum sa huling yugto partikular na si Tolentino na gumawa ng halos kalahati ng iniskor ng kanilang tropa sa naturang set.

Nakatulong pa sa Ateneo ang ilang attack at service errors ng Gazz Angels para makuha ang panalo.

Magpapatuloy ang aksiyon ngayong araw sa parehong venue kung saan muling mapapalaban ang Ateneo kontra naman sa BanKo Perlas sa alas-4 ng hapon habang aariba ang Creamline laban sa Iriga-Navy sa alas-6 ng gabi.

Show comments