Phoenix lumapit sa playoffs

MANILA, Philippines — Tangan ang 5-1 kartada, lumapit lalo ang Phoenix sa asam nitong makapasok sa playoffs ng umiinit na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup.

Kung sakali, ito ang magiging unang playoff appearance ng Fuel Masters sa ilalim ni head coach Louie Alas matapos na masibak agad sa unang dalawang conferences ngayong taon.

Subalit hindi lamang iyon ang hangarin ni Alas dahil tangka niyang mabitbit ang koponan sa top four para sa mas magandang twice-to-beat incentives sa season-ending conference.

“Iba ‘yung format ngayon, 1-4 is twice-to-beat. So we need to win as much as you can kahit pa nasa playoffs ka na kung sakali,” ani Alas matapos ang malaking 95-82 tagumpay kontra sa contender na Magnolia kamakalawa ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum.

Taliwas kasi sa format ng unang da-lawang conferences na Philippine Cup at Commissioner’s Cup kung saan ang top two teams lamang ang nabibigyan ng twice-to-beat bonus sa quarterfinals, apat ang mabibiyaan ngayon sa Governors’ Cup na magbibigay ng mas ma-laking tsansa sa maraming koponan.

Sa ngayon, nasa ikalawang puwesto ang Fuel Masters at sa likod ng wala pang talo na Blackwater kaya’t maganda ang posisyon upang masikwat ang naturang bonus, limang laro pa sa kanilang elimination round campaign.

Subalit hindi iyon magiging madali, ayon kay Alas, lalot’ dikit-dikit ang standings sa taas ng season-ending conference at mabigat ang natitirang iskedyul nila.

“Hindi mo pa rin masasabi kasi ang dami namin sa taas eh. Puro one game behind lang sa amin,” aniya.

“Puro malalakas na susunod na kalaban namin starting against Ginebra on Saturday. Ginebra, Alam n’yo naman next man up ‘yan. Kahit depleted sila, kaila-ngan A-game namin ang dalhin namin.”

Pagkatapos ng Ginebra, sunod na makakasagupa ng Fuel Masters ang NLEX, Rain or Shine, San Miguel at Blackwater na pawang mga contenders ngayong Governors’ Cup.

Show comments