PBA ‘di bibitaw sa Gilas Pilipinas

MANILA, Philippines – Hindi bibitaw ang Philippine Basketball Association sa solidong suporta nito sa Gilas Pilipinas, ayon kay Commissioner Willie Marcial at mananatiling nasa likod ni head coah Yeng Guiao at national team ang PBA hanggang sa mga susunod na kompetisyon.

“Ganun pa rin. Susuportahan ng PBA kung anong kailangan ni coach Yeng,” pag-amin ni Marcial na nakausap na aniya si Guiao hinggil sa patuloy na pagsuporta ng liga sa Gilas. “Uupuan namin kung ano pa ‘yung mga susunod pang plano ni coach Yeng. Kung magtutuluy-tuloy siya. Kung sinong gusto nilang players at kung paano ang gusto nilang practice.”

Bunsod nito, makakahinga na nang maluwag ang mga taga-suporta ng Gilas lalo’t inaasahan ang mas malakas na pambansang koponan sa paparating na fifth window ng 2019 International Basketball Federation (FIBA) World Cup Asian Qualifiers sa Nobyembre.

Inaabangan kasing madagdagan ang kasaluku-yang 16-man national training pool ng bansa sa pagbabalik ng apat na suspendidong players mula sa orihinal na Gilas Pilipinas team.

Babalik na mula sa tigta-tatlong larong suspensyon, pwede na ulit maglaro sina Jayson Castro, Terrence Romeo, Troy Rosario at naturalized player Andray Blatche na siyang magpapalawak ng national pool ni Guiao.

Bukod sa kanila ay inaasahan ding magaling na mula sa kanilang mga injuries ang dalawang higante na sina June Mar Fajardo at Greg Slaughter na nagpapagaling ng shin injury at left ankle injury, ayon sa pagkakasunod.

Kagagaling lang ng Gilas sa 1-1 split na kartada sa fourth window ng Asian Qualifiers matapos ang 73-81 pagkatalo sa Iran sa Tehran at 92-81 panalo sa Qatar dito sa Maynila.

Nasa ikatlong puwesto ng Group F ang Gilas hawak ang 5-3 kartada at kinakailangang mapanatili ang puwesto upang makapag-kwalipika sa World Cup.

 

Show comments