Ayaw bumitaw ng Adamson,NU

MANILA, Philippines — Mapatatag ang kapit sa liderato ang tatangkain ng Adamson University at National University sa pagharap sa magkaibang kalaban ngayong hapon sa pagbabalik-aksiyon ng UAAP Season 81 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Lalarga ang Adamson kontra sa University of the East sa alas-2 habang aariba ang NU laban sa De La Salle University sa alas-4.

Magkasalo ang Soaring Falcons at Bulldogs sa unahan ng standings hawak ang parehong 1-0 baraha samantalang parehong nasa ilalim ang Red Warriors (0-1) at Green Archers (0-1) matapos lumasap ng kani-kaniyang kabiguan sa opening game.

Maganda ang si-mula ng Adamson nang gulantangin nito ang defending champion Ateneo de Manila University, 74-70 noong Setyembre 9 tampok ang pagbibida ni Jerrick Ahanmisi.

Kumana si Ahanmisi ng 23 puntos mula sa 8-of-17 shooting clip kasama ang apat na rebounds.

Nakatuwang ni Ahan-misi sina Cameroonian big man Papi Sarr at graduating skipper Sean Manganti na aasahan din ng Adamson sa pagkakataong ito.

Nais naman ng Red Warriors na makabawi sa kanilang 58-87 kabiguan sa University of the Philippines noong Setyembre 8.

Mapanganib ang UE dahil posibleng pumutok anumang oras si scoring machine Alvin Pasaol gayundin sina Philip Manalang, Rey Mark Acuno at Wil Bartolome.

Sa kabilang banda, galing ang NU sa 75-70 panalo sa University of Santo Tomas.

Nanguna sa natu-rang laro ang Ildefonso brothers na sina Dave at Shaun gayundin sina John Lloyd Clemente at Gilas Cadet Troy Rike.

Ngunit daraan sa butas ng karayom ang NU dahil gigil na makabawi ang La Salle sa 61-68 pagyuko sa Far Eastern University.

Kukuha ng lakas ang Green Archers kina Santi Santillan, Andrei Ca-racut at Aljun Melecio.

Dalawang beses nakansela ang mga laro sa liga noong Sabado at Linggo dahil sa bagyong Ompong.

Show comments