Pacquiao hinamon ni Mayweather

MANILA, Philippines — Sa isang music festival sa Tokyo, Japan ay nagkita sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.

Ngunit hindi tungkol sa musika ang kanilang pinag-usapan.

Sa isang video sa kanyang Instagram account ay inihayag ng 41-anyos na  si Mayweather (50-0-0, 27 KOs) ang pagsagupa niya sa 39-anyos na si Pacquiao (60-7-2, 38 KOs) sa isang rematch bago matapos ang taon.

“I’m coming back to fight Manny Pacquiao this year another 9 figure pay day on the way,” sabi ni Mayweather, tinalo si Pacquioa via unanimous decision sa kanilang mega showdown noong Mayo ng 2015.

Sinasabing kumita si Mayweather ng humigit-kumulang sa $300 milyon sa kanilang super fight ni Pacquiao na tumanggap naman ng $160 milyon.

Matapos ito ay tinalo ni Mayweather si Andre Berto kasunod ang paghahayag ng kanyang pagreretiro.

Sa kanyang pagbabalik sa ring ay umiskor si Mayweather kay UFC superstar Conor McGregor ng isang tenth-round stoppage win at nagbulsa ng $300 milyon.

Nagmula naman si Pacquiao sa isang seventh-round TKO victory laban kay Lucas Matthysse para agawin sa pambato ng Argentina ang suot nitong WBO welterweight belt noong Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

“I have the belt,” sabi ni Pacquiao kay Mayweather sa nasabing Instagram video.

Sinagot naman ito ng American world five-division titlist.

“I’m going to take it from you like I did before,” ani Mayweather. “We gonna take the belt. We gonna get the payday. And I don’t want no shoulder excuses.”

Matapos ang laban ay ibinunyag ni Pacquiao na mayroon siyang iniindang right shoulder injury na nangyari dalawang linggo bago ang kanilang bakbakan ni Mayweather.

Show comments