Ayaw nang pahabain ng Beermen

MANILA, Philippines —  Walang plano ang San Miguel na bigyan pa ng pag-asa ang karibal na Alaska sa tangka nilang pagwalis sa serye nga-yong krusyal na Game 3 ng 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup best-of-five semif-finals series sa Smart Araneta Coliseum.

Nakatakda ang umaatikabong sagupaan sa ganap na alas-7 ng gabi kung saan asam ng Beermen na makabalik sa Finals upang madepensahan ang kanilang titulo.

Hawak ang 2-0 abante, ang panalo ngayon ay magtutulak sa SMB sa kanilang ikalawang sunod na Finals appearance ngayong season at ikaapat na kabuuan sa nakalipas na limang kom-perensya na siyang magpapalawig din sa kanilang dinastiya.

Ngunit sa kabila nito ay ayaw munang isipin ni head coach Leo Austria ang championship lalo’t nanatiling delikado ang Aces ngayong nasa bingit na ito ng eliminasyon.

“No, we’re not thinking about championship dahil para sa amin, darating iyan eh,” ani Austria na ginaba-yan ang SMB sa anim na kampeonato sa nakalipas na apat na taon.

Upang maabot ang misyon ay sasandal si Austria sa twin-towers nito na sina June Mar Fajardo at Renaldo Balkman matapos silang maghasik ng lagim sa kampo ng Alaska noong Game 1.

Sa kabilang banda, hindi naman susuko ang Aces basta-basta kahit pa kulang-kulang ang manlalaro at dehado sa digmaan tangan ang 0-2 deficit.

“We’re gonna fight again. We’re fighting a championship team and we’re missing some pieces but we’re gonna fight,” ani head coach Alex Compton na wala sa tabi ngayong semis ang mga manlalaro na sina Calvin Abueva bunsod ng suspensyon at Chris Banchero dahil sa personal na dahilan sa abroad.

Aasa si Compton sa import na si Dia-mon Simpson matapos ang kanyang halimaw na 19 puntos, 15 rebounds at anim na block sa Game 2 gayundin kina Simon Enciso at Jeron Teng na may 19 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, kinansela naman ng PBA ang Game 2 kahapon ng isa pang semis pairing sa pagitan ng Barangay Ginebra at Rain or Shine sa Araneta Coliseum din bunsod ng malakas na Bagyong Henry.

“Your PBA is cancelling its game today due to the floods and continuing inclement weather. Safety, security of the fans, players and officials are always of utmost importance,” ani Commissioner Willie Marcial sa isang opisyal na pahayag na inilabas kahapon ng tanghali.

Inilipat ang laban bukas sa alas-7 ng gabi pa rin sa parehong venue na Smart-Araneta Coliseum.

Kasalukuyang lamang ang Ginebra sa serye, 1-0, matapos ang 102-89 panalo noong Game 1 nito lamang Linggo.

Show comments