May isa pang hiling si Pamintuan

Binitbit ni Nicole Meah Pamintuan ang kanyang mga gold medals.
PM photo ni Jun Mendoza

MANILA, Philippines – Matapos gumawa ng ingay sa swimming competition ng 2018 Philippine National Games sa Cebu City, may isa pang gustong makamit si Sta. Rosa, Laguna tanker Nicole Meah Pamintuan.

Umaasa ang 18-anyos na  incoming Grade 12 student sa La Salle-Taft na ma­kakasama ang kanyang pangalan sa listahan ng national swimming team na isasabak sa darating na 2018 Asian Games sa Palembang, Indonesia sa Agosto.

“Hindi ko pa po sigurado kung makakasama ako sa national team for the Asian Games dahil wala pa pong line-up,” wika ni Pamintuan. “Sabi kasi ni­la ang pinakamalapit kong event na puwede kong salihan for my time is the 4x200m freestyle relay.”

Sa nasabing event ay nakasama ni Pamintuan sa paghablot sa bronze me­dal noong 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sina Jas­mine Alkhaldi, Nicole Oliva at Rosalee Mira Sta. Ana.

Nagsumite ang tropa ng tiyempong 8:18.58 para sa tansong medalya.

Sa 2018 PNG ay nagtala si Pamintuan ng 5-of-5 sweep sa girls’ 16 years old and over 100-meter backstroke (1:09.81), 50m backstroke (32.64), 100m freestyle (1:02.12), 200m Individual Medley (2:16.30) at 200m freestyle (2:15.69).

“Despite na nagkasakit ako three days before the competition ay naibigay ko pa rin ‘yong best ko at ‘yung ine-expect ng LGU po namin na Sta.Rosa, Laguna at napa-proud ko pa ‘yung parents ko,” sabi ng miyembro ng national juniors team.

Sa nakaraang 2018 National Age-Group Swimming Championships sa Rizal Memorial Swimming Center ay nagposte si Pamintuan ng 6-of-6 gold medals.

Ito rin ang inangkin ni Pamintuan, ang three-time Most Outstanding Athlete sa Palarong Pambansa, no­ong 2017 edition sa San Jose, Antique.

 

 

Show comments