Rockets nakalusot

Pa-drive si Chris Paul ng Houston laban kay Draymond Green ng Golden State.

OAKLAND, Calif. - Ipinakita ng Houston Rockets na kaya nilang manalo sa balwarte ng Golden State Warriors.

Humataw si James Harden ng 30 points habang nagdagdag si Chris Paul ng 27 markers para tulungan ang Rockets sa 95-92 paglusot laban sa Warriors sa Game Four ng Western Conference Finals.

Ang unang three-point shot ni Eric Gordon sa laro ang nagbigay sa Houston ng five-point lead sa huling 2:25 minuto ng fourth period patungo sa 2-2 pagtatabla ng kanilang best-of-seven series ng Golden State.

Tumapos si Gordon na may 14 points samantalang kumolekta si PJ Tucker ng 16 rebounds habang may 13 boards naman si Clint Capela ng Rockets, naipanalo ang apat sa anim nilang road games sa postseason.

Gagawin ang Game Five sa Houston sa Biyernes (Manila time).

Pinangunahan ni Stephen Curry ang Warriors sa kanyang 28 points kasunod ang 27 markers ni Kevin Durant.

Nagwakas ang NBA record na 16-game home playoff winning streak ng Golden State.

Ito ang unang road game win ng Houston, umiskor ng 25 points sa final canto, laban sa Golden State sa playoffs sa kanilang franchise history.

Parehong nagtala ng double digit leads ang dalawang koponan hanggang mailapit ni Curry ang Warriors sa 89-91 agwat sa kanyang three-point play sa 3:18 minuto ng fourth quarter.

Ang tres ni Gordon, nagmintis muna sa unang anim na tira sa 3-point line, ang nagbigay sa Rockets ng five-point cushion sa huling 2:25 minuto ng laro.

Huling nakadikit ang Golden State sa 92-94 kasunod ang mintis na 16-footer ni Klay Thompson.

Tumipa si Paul ng isa sa dalawa niyang free throw para ipreserba ang panalo ng Rockets.

Nagposte si Draymond Green ng 11 points at 14 rebounds at nag-ambag si Thompson ng 10 points para sa Warriors, naglaro nang wala si Andre Iguodala na namamaga ang kaliwag tuhod.

Show comments