SMB-Alab Pilipinas habol ang outright semis slot

MANILA, Philippines — Hangad ng San Miguel-Alab Pilipinas ang pang-13th na panalo at manatiling buhay ang asam na outright semis berth sa kanilang pagharap sa CLS Knights ng Indonesia sa pagpapatuloy ng 8th ASEAN Basketball League (ABL) ngayon sa Caloocan Sports Complex sa Caloocan City.

Tangan ang 12-6 win-loss kartada, kailangang manalo ang tropa ni coach Jimmy Alapag para muling tumuntong sa ikatlong puwesto sa kanilang  alas-8 ng gabing laban. Ang CLS Knights ay galing din sa two-game winning streak para sa pang-pitong puwesto sa 5-13 record.

Bumaba ang Alab Pilipinas sa pang-apat na puwesto matapos magwagi ang Mono Vampire ng Thailand kontra sa dating nangunguna at nagdedepensang Hongkong Eastern Lions, 119-111, noong Marso 15.

Sa panalo ng Thailand team umangat sila sa ikatlong puwesto sa 13-6 slate sa likuran ng na-ngungunang Chong Son Kungfu ng China (14-5) at pumapangalawang Eastern Lions (12-5).

Kaya kung mananalo ang Filipino team sa CLS Knights ngayon, muling silang babalik sa third spot dahil tinalo nila ng dalawang beses ang Mono Vampire kaya mas mataas ang kanilang quotient.

Sa ngayon, buhay pa rin ang pag-asa ng Alab Pilipinas na masungkit ang top two slots para makakuha ng outright entry sa semis ngunit hindi na nila hawak ang kanilang tsansa dahil may tatlong laro pang natitira ang Hongkong Eastern Lions at isa sa Chong Son Kungfu.

Kaya ang tsansa sa outright semis ng Alab Pilipinas ay depende sa magiging resulta ng mga krusyal na laro sa homestretch ng elimination.

Ang huling laro ng Eastern Lions ni Fil-German Christian Standhardinger ay laban sa Chong Son Kungfu sa huling araw ng elimination round sa Marso 28 sa Nanhai, China habang ang huling laro naman ng Alab ay laban sa CLS Knights pa rin ngayong Marso 25 sa Surabaya, Indonesia.

Matapos maputol ang two-game losing slide sa pamamagitan ng 126-100 panalo kontra sa Saigon Heat noong Marso 14, inaasahang muling magpasiklab sina Justin Brownlee, Renaldo Balkman, Bobby Parks Jr., Josh Urbiztondo, Lawrence Domingo, Dondon Hontiveros at Rico Maierhofer. (FCagape)

Show comments