Bulacan, Muntinlupa naka-6 panalo

MANILA, Philippines — Sa huling araw ng elimination round, kapwa nagwagi ang Bulacan Kuyas at Muntinlupa Cagers sa magkahiwalay na laro para masungkit ang kanilang pang-anim na panalo sa 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League noong Sabado ng gabi sa Bulacan Capitol Gymnasium.

Tinalo ng Muntinlupa Cagers ang Imus Bandera, 81-69 habang naka-eskapo ang Bulacan kontra sa Bataan Defenders, 81-75 para angkinin ang kanilang kapwa pang-anim na panalo sa siyam na laro.

Dahil sa panalo, tinapos ng Bulacan at Muntinlupa ang kanilang elimination round assignments sa three-way tie sa ikalawang puwesto kasama ang Valenzuela Classics sa parehong 6-3 win-loss kartada sa likuran ng nangungunang Batangas Athletics na tangan ang 8-1 card.

“The boys are so determined to go to the playoffs with a win and take the No. 2 spot. We just want to keep our winning culture and we want to bring it to the playoffs,” sabi ni Bulacan coach Chris Baluyot na makaharap ang No. 7 qualifier Parañaque Patriots sa quarterfinals.

Nakuha ng Bulacan ni Baluyot ang No. 2 seed dahil sa superior quotients laban sa Valenzuela at Muntinlupa Cagers.

Ang Quezon City Capitals ay umani ng 5-4 record para sa sosyohan sa pang-limang upuan kasama ang Navotas Clutch sa parehong kartada habang ang Parañaque Patriots ni head coach Aric del Rosario ay pang-pito sa 4-5 card at pang-walo ang Bataan Defenders ni dating PBA star Gary David.

Ang Bataan ay tumapos din sa 2-7 card kapareho sa Imus Bandera ngunit nakuha ng koponan ni David ang huli at pangwalong playoff slot dahil sa winner-over-the-other rule. Tinalo ng Defenders ni David and Bandera, 91-87 noong Pebrero 20.

Sa format ng inaugural staging ng home and away league, ang top 8 teams lamang ang papasok sa best-of-three quarterfinal round kaya laglag ang nangulelat na Caloocan Supremos sa 1-8 record at ang Imus Bandera. Ang tanging panalo lamang ng Supremos ay sa Bataan, 76-69, noong Pebrero 13.

Show comments