MANILA, Philippines — Nagpahiwatig ang Petron Blaze ng hangarin sa pag-angkin sa titulo sa pamamagitan ng 25-17, 8-25, 25-20, 25-17 panalo laban sa Cignal HD sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix kahapon sa Sta. Rosa Sports Center sa Sta. Rosa, Laguna.
Mula sa mga hataw nina imports Lindsay Stalzer at Hillary Hurley ay hindi na pinatagal pa ng Blaze Spikers ang laban sa HD Spikers at tinapos sa loob ng mahigit sa dalawang oras lamang patungo sa pagsungkit sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Isinunod nila ito sa naunang 25-21, 18-25, 25-17, 25-23, panalo kontra sa Sta. Lucia Lady Realtors noong Pebrero 17.
“We are not 100 percent yet. Always that’s in progress. But, we overcame all our obstacles. In the second set, they (Cignal) were hitting well. That’s one that we have to improve on as the tournament goes on,” sabi ni Stalzer ang MVP noong 2016.
Umarangkada sina Stalzer, Hurley, Mika Reyes, Mila Tunay at Ces Molina ng 14 atake at pitong aces para sa 25-17 panalo sa first set na natapos sa 27 minuto.
Ngunit bumawi naman sina imports Jeanne Horton at Sonja Milanovic mula sa kanilang pinagsamang 15-0 run para sa madaling 25-8 kalamangan sa second set at maitabla ang laban 2-2 set.
Pero hindi na nagpatinag sina Hurley at Stalzer at tuluyang nang tinapos ang laban para ibigay ang unang talo ng Cignal sa dalawang laro.
Ang unang panalo ng Cignal ay laban sa Cocolife, 25-15, 26-26, 25-15 noong Martes.
Umiskor si Stalzer ng 18 points, kabilang na ang 13 atake at limang aces, habang may 18 points din si Hurley.