Cignal nakalapit sa titulo

MANILA, Philippines - Nakahakbang palapit sa inaasam na championship ang Cignal matapos igupo ang Centro Escolar University, 78-56 kahapon sa Game 1 ng 2017 PBA D-League Foundation Cup best of 3 finals series sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Hindi umubra ang mga shooters ng Scorpions sa mahigpit na depensa ng Hawkeyes matapos makapagbuslo lamang ng 30 mula sa kanilang 66 na attempts.

Gaya ng inaasahan, pinangunahan ni Jason Perkins ang nasabing lopsided win ng Hawkeyes sa kanyang itinalang double double 16-puntos at 11 rebounds.

Pinangunahan ni Perkins ang pagpopondo ng Hawkeyes sa first half kung saan niya isinalansan ang 14 puntos sa kanyang kabuuang output.

“It’s not over until it’s  over,” pahayag ni coach Boyet Fernandez na hindi pa rin makampante sanhi ng kanyang kabatiran sa ginawang pagbawi ng CEU kontra sa Flying V sa nakaraang semifinals.

Tumapos pa ring may double-double  si Congolese big man Rod Ebondo na nagtala ng 27-puntos at 17 rebounds ngunit wala siyang nakuhang sapat na suporta mula sa kanyang mga kakampi.

Naging top scorer para sa Hawkeyes si Byron Villarias na nagsalansan ng 17-puntos habang nag-ambag naman sina Mark Bringas at Oping Sumalinog ng 13 at 11 puntos ayon sa pagkakasunod.

Sa kabilang dako, nakapag-ambag naman ng 10-puntos si Rich Guinitaran para sa Scorpions ngunit lahat ito ay naitala niya sa second half kung saan lumobo na ang bentahe ng Hawkeyes.

Nauna rito, buhat sa 8-2 panimula, isinara ng Hawkers ang first period sa pamamagitan ng 16-0 blast upang iposte ang 24-11 bentahe sa pamumuno ni Perkins na nagsalansan ng 8-puntos.

Nakuha pang suma-bay ng Scorpions sa Hawkeyes sa second period kung saan nakaiskor ito ng 14 puntos kontra sa 15 ng huli.

Ngunit sapat ang naiposteng kalamangan ng Hawkeyes sa first quarter para makadistansya ng 14-puntos sa halftime, 39-25. FML

Show comments