7-sunod na panalo sa Arellano

MANILA, Philippines - Pinalawig ng Arellano University ang kanilang winning streak sa pito, nang payukurin nito ang Emilio Aguinaldo College sa iskor na 83-74 upang makasalo sa liderato ang San Beda sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament sa San Juan Arena kahapon.

Dalawang krusyal na turnovers ang nagawa ng Generals sa final stretch na siyang pumatay sa kanilang pag-asang mahabol ang Chiefs sa loob ng huling minuto ng laro.

Nanguna para sa Arellano si ace playmaker Jiovanni Jalalon na tumapos ng may 21 puntos, 8 rebounds at 9 assists na piniling manatili sa bansa imbes na sumama sa line-up ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA Asia Challenge Cup na gaganapin sa Iran sa Setyembre 9 hanggang 18.

“Priority ko ‘tong college,” pahayag ni Jalalon, matapos makuha ng Chiefs ang kanilang ikasampung panalo sa 12-laro. “Kinausap ko na si coach Josh (Reyes). Pagkatapos naman dito diretso na ako dun.”

Tumapos naman ng may 17 puntos si Jorem Morada para sa Generals na lumagpak sa 3-9 kartada.

Sa unang laban, nilimitahan ng University of Perpetual Help sa 7 puntos sa third quarter ang College of St. Benilde tungo sa 70-45 panalo upang ihatid sila sa kanilang pinakamasamang panimula matapos ang ika-12 sunod na talo.

Umabot pa sa 31 ang lamang ng Altas, 66-35 na nakapuwersa rin ng 24 na turnovers mula sa Blazers sa kabuuan ng laban.

Nanguna sa Altas si Nigerian center Bright Akhuetie na umiskor ng 15 puntos habang nagtala ng double-double 10 puntos at 12 rebounds si back-up center Prince Eze  upang higpitan ang kapit sa ikatlong puwesto sa taglay na 9-3 panalo- talong baraha.

Sa juniors division, tinalo ng Malayan (10-2) ang University of Perpetual Help (4-8) sa iskor na 92-82 habang nanaig naman ang St. Benilde (9-3) kontra sa Letran (5-7) sa iskor na 71-69. (FML)

Show comments