Puerto Princesa paliligayahin ng PBA

All- Star Break (Puerto Princesa, Palawan) Laro Bukas

4:00 p..m. Skills Challenge

7:00 p.m. Rookies vs Sophomore

Laro Sa Linggo

5:00 p.m. North vs South

MANILA, Philippines – Muling magsasama-sama ang pinakamahuhusay at pinakasikat na players sa Puerto Princesa, Palawan para sa PBA All-Star Week na katatampukan ng record-setting 13th All-Star Game appearance ni Asi Taulava, ang pormal na pamamaalam ni Jimmy Alapag at ang pagbabalik ng North-versus-South battle.

Nagtungo na kahapon ang bulto ng PBA delegation sa tourist city para sa kasiyahan at bakasyon mula sa maigting na PBA Commissioner’s Cup na nasa huling bahagi na ng elimination round.

Maglalaro si Taulava kahit na may lagnat para sa kanyang pang-13th All-Star Game sa Linggo anim na araw matapos ang kanyang ika-42 kaarawan.

Kasalukuyang kasalo ng Fil-Tongan behemoth si Alvin Patrimonio para sa pinakamaraming partisipasyon sa naturang mid-season spectacle.

Ibabalik ang Rookies-Sophomores Blitz Game, ang mahirap na labanan sa All-Star skills contests, ang pormal na pagreretiro ni Alapag at ang pagla-laro ng siyam na All-Star MVP winners sa North-South duel.

Pamumunuan nina Taulava at Alapag, ang co-MVP winners sa Cebu noong 2004, ang South team kasama sina ex-MVP winners James Yap (2012), Jeff Chan (2013) at PJ Simon (2008) laban sa North team nina Marc Pingris, Arwind Santos at Gabe Norwood na mga dating All-Star MVPs.

Hindi naman nakasama si Gary David, ang 2014 MVP dahil sa kakulangan ng nakuhang boto.

Ang iba pang nasa South cast ay sina June-Mar Fajardo, Greg Slaughter, Mark Barroca, Dondon Hontiveros, Cyrus Baguio, Reynel Hugnatan, Joe Devance at Stanley Pringle.

Kukumpleto naman sa North lineup sina Mark Caguioa, Justin Melton, Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Paul Lee, Terrence Romeo, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo at Beau Belga.

Si Caguioa ay hindi makakalaro dahil sa injury at inaasahang papalitan ni Ginebra teammate LA Tenorio.

Bunga rin ng pagkakasakit ay hindi makikita sa aksyon si Hontiveros para sana sa kanyang ika-12th All-Star Game.

Hindi nakasama sa biyahe si Fajardo dahil sa injury. (NB)

Show comments