TNT iniligtas ni Castro

MANILA, Philippines - Naisuko ng Talk ‘N Text ang itinayong 28-point lead sa third period nang tumabla pa sa kanila ang NLEX sa huling 7.9 segundo ngunit hindi hinayaan ni point guard Jayson Castro na masayang ang kanilang pinagpaguran.

Matapos matanggap ang inbound pass ay humarurot si Castro mula sa kabilang court para isalpak ang winning jumper bago tumunog ang final buzzer at iligtas ang Tropang Texters laban sa Road Warriors, 98-96, sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ito ang pangatlong sunod na panalo ng Talk ‘N Text para masolo ang ikalawang puwesto, habang nabigo ang NLEX na makamit ang kanilang ikalawang dikit na ratsada.

Ipinoste ng Tropang Texters ang 80-52 kalamangan mula sa three-point shot ng bagong import na si Ivan Johnson, pumalit kay Richard Howell sa 6:13 minuto ng third quarter. Unti-unti ay nakalapit ang Road Warriors at ang technical free throw ni Thornton matapos tumawag ng timeout si Larry Fonacier bagama’t wala nang timeout ang Talk ‘N Text ang nagtabla sa NLEX sa 96-96 sa natitirang 7.9 segundo.

At kasunod nito ay ang winning shot ni Castro, tumapos na may 16 points kasama ang 4-of-7 shooting sa three-point range, para sa Tropang Texters ni coach Jong Uichico.

TALK N’ TEXT 98 - Johnson 32, Castro 16, De Ocampo 13, Miller 9, Rosser 9, Carey 6, Aban 5, Alas 4, Fonacier 2, Reyes R.J. 2.

NLEX 96 - Thornton 37, Villanueva J. 13, Ramos 10, Cardona 9, Canaleta 8, Taulava 6, Arboleda H. 5, Villanueva E. 3, Baloria 3, Lingganay 2, Hermida 0, Arboleda W. 0, Borboran 0.

Quarterscores: 32-19; 65-40; 89-71; 98-96.

Show comments