Ciriacruz aasahan ni Codiñera

MANILA, Philippines - Ang pagbabalik ng isang beteranong manlalaro ang makakatulong ng bagong coach na si Jerry Codiñera para maihatid sa respetadong pagtatapos ang Arellano Chiefs sa Season 90 ng NCAA men’s basketball.

Si Isiah Ciriacruz ay makakasama uli ng Chiefs matapos ang tatlong taon na pagliban upang matiyak na may pagkukunan ng puntos ang koponan.

“Beterano si Ice at mahalaga ang kanyang gagampanan sa team,” ani Codiñera na ipinasok sa koponan noong Disyembre kapalit ni Koy Banal.

Si Leo Isaac ang siyang unang coach ng koponan sa pinakamagandang collegiate league at tulad ni Banal ay hindi pinalad na naipasok ang Chiefs sa Final Four.

Sina Keith Agovida, Nards Pinto, Levi Hernandez, Prince Caperal, Nichole Bangga, Julius Cadavis, Ralph Salcedo at Fil-Canadian Zach Nichols ay babalik din habang hinugot sa koponan ang  mga Fil-Ams na sina Dioncee Holts at David Ortega para punuan ang puwestong iniwan ng mga Fil-Canadians na sina James Forrester at AJ Serjue.

Kontento si Codieñera sa opensa pero kailangang magtrabaho ang koponan sa depensa lalo pa’t tunay na mas malalakas ang ibang katunggali.

“Magiging balance ang team ngayon, may opensa at may depensa,” ginaran-tiya pa ng 6’6” center na nakilala rin bilang ‘Defensive Minister’ noong naglalaro pa sa PBA.

Hindi rin nakikita ni Codiñera na magiging problema ang pagiging baguhan sa Arellano lalo pa’t nagamit niya nang husto ang halos anim na buwan para makilala at ituro ang dapat na malaman ng manlalaro.

“Mahalaga ay ang trabahong ipakikita sa loob ng court,” ani Codiñera.

 

Show comments