Karapatan maganda pa rin ang takbo sa bagong hinete

MANILA, Philippines - Walang pagbabago ang takbong naipakita ng kabayong Karapatan kahit nagpalit ng hinete matapos manalo sa karerang idinaos noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Hinirang na outstanding favorite ang limang taong colt na may lahing Fort Dignity at Pledge The Fifth matapos ang magagandang panalo bago natapos ang taong 2013 sa class division one.

Hindi naman ipinahiya ni jockey GA Rivera ang mga nanalig kahit hinalinhinan niya ang dating hinete ng kabayo na si BL Salvador nang kakitaan pa rin ng malakas na pagdating para pawiin ang masamang simula na kung saan ang tambalan ay nalagay muna sa ikalimang puwesto.

Maganda ang bentahan sa last race na isang class division 2 sa 1,500m distansya upang magpasok pa ang win ng P8.50 habang ang 7-3 liyamadong forecast ay naghatid pa ng P24.50 dibidendo.

Naunang kuminang ang My Jopeng sa mga kabayong may winning streak bago natapos ang nagdaang taon, nang ang kabayong sakay din ni Alvarez ay nagdomina sa race one na isang class division 1B.

Ngunit sapat na ang naipundar na distansya ng My Jopeng tungo sa isang panalo sa Sweet Julliane.

Tinapos ang nagdaang taong karera bitbit ang dalawang sunod na panalo, ang unang tagumpay ng My Jopeng sa 2014 ay nagpasok ng P7.00 sa win habang P17.50 ang ibinigay sa 7-11 forecast. (AT)

Show comments