Amit agad humataw sa Yalin Women’s World 10-Ball

MANILA, Philippines - Pinayukod ni dating world champion Rubilen Amit si Bi Zhu Qing ng China, 6-4, sa round robin stage ng 2013 Yalin Women’s World 10-ball Championship sa Resorts World Manila.

Kaagad na kumamada si Amit sa unang dalawang mesa bago nakabangon ang Chinese.

Ngunit hindi kumulapso si Amit para iposte ang kanyang unang panalo sa Group 7.

Ang 48 manlalaro mula sa iba’t-ibang bansa ay hinati sa walong grupo na magdedetermina sa apat na pa­pasok sa 32-draw knockout stage.

Kasali rin sa torneo ang 14-anyos na si Cheska Cen­teno at ang 16-anyos na si Gillian Go bukod pa sa beteranong si Iris Rañola na nakalusot sa qualifiers.

Maglalaro si Centeno sa Group 5, habang si Go ay sasabak sa Group 6 at si Rañola ay kasama naman ni Amit sa Group 7.

Umiskor din ng panalo si Allison Fisher ng England sa pamamagitan ng 6-2 paggiba kay Yu Ram Cha ng Korea sa Group 3.

Show comments