Indonesia Warriors pasok sa ABL finals

MANILA, Philippines - Umukit ng 81-64 demolisyon ang nagdedepensang kampeon  sa ASEAN Basketball League (ABL) na Indonesia Warriors kontra sa Westports Malaysia Dragons noong Miyerkules ng gabi sa MABA Gym sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Gumawa ng 10 puntos pataas sina Stanley Pringle, Chris Daniel, Mario Wuysang at Steve Thomas para sa Warriors upang umabante na sa finals ng regional basketball league.

Ang panalo ay ikatlong sunod ng tropa ni coach Todd Purvis para walisin ang best-of-five semifinals series.

May 24 puntos si Pringle, si Daniels ay mayroong 18, si Wuysang ay may 17 habang 10 puntos at 17 rebounds ang trinabaho ni Thomas upang madugtungan ang dalawang panalo na kinuha sa Jakarta sa 72-63 at 77-65 panalo.

Hindi nangyari ang inaasahang mahigpitang laba-nan ng Warriors at Dragons dahil naglaro na may injury ang import ng Malaysia na si Marcus Hubbard.

Maghihintay pa ang Warriors ng makakalaban sa best-of-five title series dahil ginaganap pa ang tagisan ng San Miguel Beer at Sports Rev Thailand Slammers.

Angat ang Beermen sa Slammers sa serye sa 2-1 at puwede nilang tapusin ang labanan sa Game Four kagabi sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.

 

Show comments