Zombie family (380)

INULIT pa ni Joselito Comendador ang sinabi kanina kay Leilani. “Wala akong sekretarya  bukas pag hindi ka pumasok. So should I expect you then?”

“Of course, Sir. May sekretarya ho kayo bukas at ako ‘yon.”

“Looking forward for tomorrow then, Lanie.”

“Yes,Sir. Thank you ho.

Kaaalis lang ni Joselito nang bumalik naman ang waiter na dala na ang maraming pagkaing pinabalot ni Joselito.

“Ma’m heto na po ang inyong take-out.”

Natigilan si Leilani. Nasusuka siya sa pagbanggit ng waiter ng maraming pagkain na iti-take out niya.

Lalo na bitbit ng waiter ang maraming pagkaing iyon.

Pero nang mapatingin siya sa  itaas ng ulo ng waiter, doon siya nakaramdam ng gutom.

Nawala ang pandidiri. Ang pumalit ay napakahirap pigilang paglalaway. Lalo na at napalapit ang ulo o bumbunan ng waiter kay Leilani dahil nagliligpit na ito ng mga nagamit.

Gusto na sana niyang akitin ang young man pa lang na waiter. Dadalhin sa hindi mataong lugar at doon dudukutin at kakainin ang utak.

“What time ang off mo? What’s your name nga pala?”

“Darius, Miss. Seven ng gabi pa ang off ko. Why po?”

“May mga salbahe kasi akong natarayan kanina rito lang sa area na ‘to. Hindi ko na sinabi sa kasama ko kanina rito kasi madaling ma-upset iyon, e. Baka pa mauwi sa away.”

“Miss, dapat kasi inihatid ka na lang niya. Kaysa iniwan ka.”

“Ako naman ang may gusto na iwan na lang niya ako kasi may napakaimportante siyang miting. Alam mo, kung may kasama ako, lalo na ka­singtangkad at kasing-maskulado mo, I think matatakot silang lumapit pag nakita nila ako.”

Napangiti naman ang waiter, very flattered. “Kung puwede lang ba ­­sana akong mag-undertime.”

Palihim na na-disappoint si Leilani pero ayaw nang ipilit. Alam naman niyang napaka­daling makahanap ng makakain.

“I understand. O paano, una na ako.”

“Yes, Ma’m. Pero may nakakalimutan ho kayo. Napakaimportante pa naman.”

 - ITUTULOY

Show comments