Zombie Family (205)

LAYA na naman ang dalawang teenagers. At mas mabangis sila ngayon.

Mas mapanganib din dahil nakakadaya ang kanilang pagkamaamong itsura. Magtitiwala ang lahat sa kanila.

Naiba pa sila kaysa dati nilang mga itsura. Kaya mahirap makilala na sila ang mga anak nina Marga at Herman.

Hagikhikan at bu­ngis­ngisan ang magkapatid habang naglalakad. Masayang-masaya.

“Kuya, ang sarap, no?”

“Mas masarap!”

“Pero ‘yung security guard parang makunat. Matigas. Kasi may-edad na!”

“Correct! Kaya ang pipiliin natin sa susunod, hindi lalampas ng thirty ang age!”

“Paano natin malalaman ‘yon? Paano kung thirty-one na pala?”

“Tanga! Puwede na rin ‘yon. Hindi man sakto halos kasinglambot at kasingsarap pa rin!”

“Okay. Kuya, bakit kaya naiba ang mga itsura natin nang konti lang naman?”

“Tingin ko kasi may temperature nang sinusunod ang pagluto ng pagkain natin, e. Nakakaganda ang ganoong pagkain sa ganoong init lang ng apoy.”

“Paano ‘yan? Hindi naman natin maluluto ang mga taong aatakehin natin. ‘Di ba sunggab agad tayo? Kagat at nguya agad?”

“Kaya nga naisip ko na huwag nating gayahin si Mommy. Na sobrang hilaw ang kinakain, very raw. Buhay pa kinakain na niya.”

“Pero ‘di ba iyon ang masarap?”

“Pero lagi naman tayong pangit, nakakatakot. Ang kailangan, we look good. Para hindi matatakot sa atin ang mga tao. Makakapamili pa tayo ng mga kakainin natin. Iyung mga class lang, sobrang mabango, makinis ang mga kutis, makapal ang buhok at mapuputi ang mga ngipin! Hmmm, sarap! Kahit sa imagination pa lang!”

“Naging mapili ka na, kuya, e. Ako, basta masarap lang, hindi bale na kahit saan pa kinuha.” Bumungisngis na naman ang teenager na babae.

“Huwag na tayong umuwi kina Papa, ha? Okay lang naman kung tayong dalawa lang, e. Libreng-libre!”

“Pero mag-iingat tayo. Baka ipapa-hunt tayo ng mga special forces na sundalo.” Itutuloy

Show comments