Multong Bahay (52)

WALA ngang takot na hinarap ni Don angmultong buhay.

“Sino ka! Anong klase kang nilalang! Tinatakot mo kami? Hindi kami natatakot sa ‘yo! Umalis ka dito ngayon din!”

Nagalit ang multong buhay.

Sinagot niya si Don.

“Huwag mo akong pagsalitaan ng ganyan!”

Nakakakilabot na boses.

Napaurong na naman ang mga kasambahay.

“Sir, grabe hong nakakakilabot ang boses niya! Baka kung ano ang gagawin sa atin, Sir!”

Nag-isip si Don.

May ideya siya.

“Minyong, takbuhin mo ‘yang stool! Ibigay mo sa akin, dali!”

Nagawa namang sumunod ng kasambahay na lalaki kahit takot na takot. Nakuha ang stool at ibinigay kay Don.

“Umalis ka ngayon din sa bahay namin kung ayaw mong ibato ko sa iyo ang stool na ito!”

Pero dahil galit at ayaw magmukhang sumuko siya, hindi kumilos ang multong buhay. Muli pang nagsalita.

“Ako ang totoong Agyana! Ako ang dapat mong minamahal hindi ang pekeng Agyana! Mahalin mo ako, Don!”

Pero dahil nga malaki na kakaiba ang boses na nakakatakot ng multong buhay, walang maunawaan sina Don.

“Ibig bang sabihin nito ay matigas ang ulo mo, ayaw mong umalis?” Galit na paninita ni Don.

“Bakit ako aalis? Hindiii! Hindi ako aalis!”

Iyon ay medyo naintindihan ni Don. “Matigas ka, ha? Sige, ito’ng sa iyo!”

 At ibinato nga ni Don ang stool sa katawan ng multong buhay. Pero lumusot lang ang stool sa katawan nito.

Sigawan na naman sa takot ang mga kasambahay pero hindi naman kumaripas ng takbo. Sinasamahan pa rin ang amo nila.

“Huwag kayong matakot!” Sabi ni Don.

“Bakit naman ho hindi, Sir … eh, nakita n’yo naman na multo nga, hindi siya tinatamaan!”

“Iyon na nga, e. So bakit tayo matatakot sa isang multo? Kung hindi siya tinamaan ng stool de ibig sabihin kapag gusto niya tayong saktan, hind rin tayo masasaktan dahil lulusot lang sa ating katawan ang anumang bahagi ng kanyang katawan!

Itutuloy

Show comments